Pamahalaang Pilipinas, mananatiling matatag sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa—PBBM

Pamahalaang Pilipinas, mananatiling matatag sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa—PBBM

MANANATILING matatag ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa gitna ng pinakahuling agresibong mga hakbang ng Hukbong Pandagat ng China laban sa mga tropang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).

Sa kaniyang social media post, inatasan ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagpatuloy ang mandato nito sa pagtatanggol sa soberanya at hurisdiksiyon ng bansa.

Kasabay rito, tiniyak ng Punong Ehekutibo ang kaniyang buong suporta sa mga magigiting na service members.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang probokasyon ng China Coast Guard (CCG) at ng maritime militia nito sa pagharang sa Filipino resupply mission sa Ayungin Shoal noong Linggo ay magpapatibay lamang ng determinasyon ng bansa na ipagtanggol ang soberanya nito.

Giit pa ng Chief Executive, ang ilegal na presensiya nito sa mga katubigan ng Pilipinas at mga mapanganib na aksiyon laban sa mga mamamayan ay tahasang paglabag sa international law at sa rules-based international order.

Una nang iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang mga sasakyang pandagat ng China ay nambomba ng tubig sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa isang resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Linggo.

Isa sa mga Filipino resupply vessels ang nagtamo ng pinsala sa makina.

Idinagdag sa mga inisyal na ulat ng PCG na isa pang Filipino supply boat ang nabangga sa water cannon attack ng CCG.

Kaugnay rito, muling binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Aniya, anumang dayuhang pag-angkin ng soberanya dito ay walang basehan at ganap na salungat sa internasyonal na batas.

Ang Bajo de Masinloc ay soberanong teritoryo ng Pilipinas at mahalagang bahagi ng kapuluan ng bansa.

Saad ni Pangulong Marcos, walang sinuman maliban sa Pilipinas ang may lehitimong karapatan o legal na batayan para mag-operate saan man sa WPS.

Bago ang insidente noong Linggo, naiulat ang ginawang water cannon attack ng Chinese Naval Forces laban sa mga sasakyang pandagat ng Bureau of Aquatic Resources (BFAR) patungong Scarborough Shoal noong Sabado.

Noong nakaraang buwan, isang barko ng Pilipinas na nasa resupply mission sa Ayungin Shoal ang inatake rin ng water cannon ng mga Chinese naval vessels, kaya napilitan itong lumihis.

PH Gov’t, nagsagawa ng 3 legal remedies kontra sa umano’y ilegal na pagkilos ng China sa WPS

Samantala, tatlong legal na hakbang ang ginawa ng administrasyong Marcos upang ‘i-call out’ ang umano’y agresyon ng CCG sa WPS kamakailan.

Sinabi ito ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Assistant Secretary Ma. Teresita Daza sa press briefing sa Malacañang nitong Lunes.

Ani Daza, ginamit nila ang ‘maritime communication mechanism’ at naghain ng diplomatic protest sa Chinese Ministry of Foreign Affairs dahil sa paggamit ng water cannon ng mga sasakyang pandagat ng China laban sa mga bangka ng Pilipinas.

“The Department of Foreign Affairs lodged its diplomatic protest with the Chinese Ministry of Foreign Affairs counterpart through a phone call. And in terms of the démarche undertaken by our Philippine Embassy in Beijing, yes, we confirmed that our Philippine Embassy in Beijing has the démarche to the Chinese Ministry of Foreign Affairs official yesterday concerning the Bajo de Masinloc incident and the Ayungin Shoal incident,” ayon kay Asec. Ma. Teresita Daza, Spokesperson, DFA.

Dagdag pa ni Daza, ipinatawag din si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para iprotesta ang naturang insidente.

Nang tanungin kung pareho ang pananaw ng DFA sa pahayag ng ilang senador na ideklara ang Chinese Ambassador bilang persona non-grata, ito ang sagot ni Asec. Daza.

“When an ambassador assumes, he is accepted by the accrediting host government. If you do something or say something that is unwelcomed, then you can be subject what they call persona non grata. But with this case, I think it’s something that will have to be seriously considered whether the incidents or the series of incidents merit having him be a persona non grata,” wika ni Daza.

Muling iginiit ni Daza na magpapatuloy ang DFA sa kanilang pangako na ituloy ang mandato nito na protektahan at itaguyod ang Philippine Legal Maritime Entitlement sa WPS.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble