Pamamaril sa Sierra Bullones, Bohol hindi election-related ayon sa pulisya

Pamamaril sa Sierra Bullones, Bohol hindi election-related ayon sa pulisya

BISPERAS ng eleksiyon, ikinagulat ng mga residente ng Sitio Cagyo, Barangay Good Morning sa Sierra Bullones, Bohol ang isang insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng isang barangay kapitan.

Batay sa ulat ng Bohol Police Provincial Office, 60-taong gulang ang biktima na tinarget habang nag-iinuman kasama ang suspek sa bahay ng isang kapitbahay. Sa kalagitnaan ng kanilang inuman, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo bunsod ng personal na alitan.

Sa kainitan ng pagtatalo, binunot ng suspek ang kaniyang .38 revolver at pinaputukan ang biktima. Tinamaan ito sa kaliwang bahagi ng dibdib at agad na isinugod sa pagamutan.

Sa panayam ng SMNI News kay PLtCol. Norman Nuez, tagapagsalita ng Bohol Police Provincial Office, sinabi nitong hindi pa maaaring ituring na election-related ang insidente base sa paunang imbestigasyon.

“Magiging suspected election-related incident siya for now; however, based on the information and initial assessment by the chief of police… Personal grudges po ‘yong pinaka-motive talaga sa incident kasi ‘yong biktima at ‘yong suspek, they have a drinking session doon sa isang bahay ng kapitbahay nila. Basically, nagkaroon sila ng heated argument, with that po, nagkainitan, binaril po ng suspetsado ang biktima,” saad ni  PLtCol. Norman Nuez.

Narekober mula sa suspek ang ginamit na .38 revolver at dalawang bala. Nasa kustodiya na ito ng Sierra Bullones Police Station.

Hinimok ng pulisya ang publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang sinumang nagdadala ng armas, lalo na ngayong panahon ng halalan, upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Binigyang-diin ni PLtCol. Nuez na nananatiling mapayapa ang kabuuang kalagayan ng lalawigan at maayos ang takbo ng halalan sa Bohol.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble