SUSI para sa pambansang pagkakaisa ang pagkakaroon ng isang pambansang wika at kasaysayan.
Ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, hindi dapat maging tampok lamang ang usapin ng pambansang wika tuwing buwan ng Agosto.
Ipinunto ng mambabatas na higit 8 dekada na ang nakakaraan noong naging sentro ng diskurso ang pambansang wika.
Sa kasalukuyang Saligang Batas, marapat na puspusan ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.
Dahil dito, isinulong muli ni Padilla ang Senate Bill 451 na naglalayong maipabilang ang kasaysayan ng Pilipinas bilang hiwalay na subject sa kurikulum ng hayskul para buhayin ang dugong makabayan at nasyonalismo sa mga kabataan.
Isinulong din niya ang Senate Bill 228 o ang, ‘pantay na paggamit ng opisyal na wika’ para sa paglimbag at paglathala sa parehong wikang Ingles at Filipino ng mga dokumento ng gobyerno upang bigyan ng oportunidad ang bawat Pilipino na mas maunawaan ang mga aksyon at desisyong ipinatutupad ng pamahalaan para sa pangkalahatan.