DIRETSAHANG sinabi ni Prof. Mario Ferdinand Pasion, Geopolitical & Economic Risk Consultant na malaki ang pagkakaiba ng pamumuno ng kasalukuyang administrasyong Marcos Jr., kumpara sa kaniyang namayapang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Naging kabaliktaran siya ng tatay niya,” ayon kay Prof. Mario Ferdinand Pasion, Geopolitical & Economic Risk Consultant.
Aniya, hindi tinutupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga proyekto ng kaniyang ama, kabilang na ang 11 na main industrial projects tulad ng Integrated Steel Mill, Diesel Engine Manufacturing, Bataan Nuclear Power Plant, Philippine Phosphate Fertilizer Plant, Copper Smelting, Shipbuilding, at ang Self-Reliance Defense Program.
Giit ng propesor na sa ilalim ng Marcos Sr. admin, gumagawa ang Pilipinas ng sarili nating eroplano, helicopter, armas, at bala, na ngayon ay tuluyan nang nawala.
“Hindi ‘yan ginagawa ni President Bongbong kasi nga natatakot siya sa Amerika,” ani Pasion.
Ipinahayag ni Pasion na ang Pilipinas ay tila nagiging katawa-tawa sa mundo dahil sa kawalan ng sariling kakayahang lumikha ng mga pangunahing produkto tulad ng bigas, na dati’y ini-export ngunit ngayon ay inaangkat na mula sa ibang bansa.
“‘Yung tatay niya nag-pursue ng self-reliance at saka independent foreign policy na ipinagpatuloy ni President Duterte. At pinalibing pa nga ni President Duterte sa Libingan ng mga Bayani ang tatay niya despite of the protestations of the Western countries. Kasi as far as the Western countries are concerned, criminal si Marcos Sr. at ‘di dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani,” pahayag ni Pasion.
Aniya, idolo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Marcos Sr., kaya nagkaroon ito ng mas malayang ugnayan sa China at Russia, dahilan para mainis ang Amerika at iba pang Western countries.
Dagdag pa ni Pasion, ang pangamba ng administrasyong Marcos Jr., sa China ang naging dahilan ng mahigpit na pakikipagkaibigan nito sa Amerika.
Iginiit ni Pasion na dapat magkaroon ng sariling defense industry ang Pilipinas na pag-aari ng gobyerno at hindi pribadong sektor para lumikha ng trabaho para sa mga Pilipino.
At kung magkakaroon ng sariling industriya sa paggawa ng armas at depensa ang bansa, hindi na kinakailangang mangibang bansa ng mga Pilipino para makahanap ng trabaho.