Panahon ni FPRRD, mas payapa dahil hindi agresibo ang China

Panahon ni FPRRD, mas payapa dahil hindi agresibo ang China

TAMPOK sa social media ang pahayag ng isang mangingisda kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) kasunod sa isinigawang public consultation and inquiry ng mga kongresista kasama ang grupo ng mga mangingisda hinggil sa umano’y “Gentleman’s Agreement” sa pagitan ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at China sa Masinloc, Zambales kamakailan.

Si Joeffrey Elad, lider ng grupo ng mga mangingisda sa San Salvador, Masinloc, Zambales. Marami na siyang karanasan sa WPS. Aniya, nung panahon ni dating Pangulong Duterte, ay malaya silang nakakapangisda sa Bajo de Masinloc o mas kilala sa tawag na Scarborough Shoal.

“Dahil sa kakayahan po na lagi po akong nangingisda diyan, ako po talaga ang unang hinarass ng China diyan noong 2014. Pero sa panahon naman na nangyari na naging presidente si Rodrigo Duterte kaya muli po kaming nakabalik,” ayon kay Joeffrey Elad, Chairman, Tropical Fish Gatherer Association.

Pero sa ilalim ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sinabi niyang nakararanas na naman sila pangha-harass mula sa China.

“Pero sa ngayon, ngayon lang po ulit nang-harass ulit sila ng mga Pilipinong nangingisda,” ani Elad.

Dagdag pa nito, malimit lang din aniya ang presensiya ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpapatrolya sa Scarborough Shoal kaya wala silang ibang mahihingan ng tulong sa panahong hinahabol ang mga ito ng mga bangka ng China.

“Malimit lang naman po talaga sila diyan kung talagang may hinahatid silang ayuda pero sa mga araw naman po na ‘yung sinasabing patrolya wala naman po kaming nakikitang Philippine Coast Guard diyan,” dagdag pa ni Elad.

Naging emosyonal naman ang mangingisdang si Noli delos Santos dahil sa matinding kahirapan na kanilang nararanasan ngayon sa pangingisda bukod pa sa mataas na presyo ng mga bilihin.

“Dinadaan ko na lang sa luha. Dinadaan ko na lang po sa inyo dahil ngayon lang po kayo bumaba. Ramdam niyo naman siguro ang kahirapan namin. Dahil pagdating sa mga buyer, maraming huli, kaunti ang benta, dahil sa utang. Maraming kita, mahal naman ang babayarin: bigas, kuryente, tubig,” saad ni Noli delos Santos, Mangingisda mula Santa Cruz, Zambales.

May patutsada naman ito sa mga pulitiko.

“Sinong tutulong sa amin. Kapag eleksyon, kilala niyo kami. Pagdating sa problema ‘di niyo kami kilala,” dagdag pa ni Delos Santos.

Aniya, hindi sapat ang ayuda na kanilang natatanggap mula sa pamahalaan kaya ang hiling nila ay malayang pangingisda lamang.

Tinitiyak naman ng mga kongresista na tutulungan ang mga mangingisda na magtuluy-tuloy ang kanilang pangingisda sa Bajo de Masinloc at iba pang lugar sa kabila ng banta ng pangha-harass ng China.

Mga mangingisda sa Zambales, humihingi ng proteksiyon laban sa banta ng pag-aresto ng China

Samantala, nangangamba ngayon ang mga mangingisda sa Zambales sa kanilang seguridad kasunod ng bagong direktiba ng China na simula sa buwan ng Hunyo ay huhulihin ng kanilang coast guard ang mga “trespasser” sa South China Sea nang walang paglilitis.

“Ang gusto lang po naming iparating sa inyo, ‘yung security lang po namin na kung anong seguridad ang dapat sa paglalakbay namin papunta pong Scarborough. Gaya ng sinabi na ngayong June 15, manghuhuli sila. Papaano naman po kaming talagang laging nangingisda diyan sa Bajo de Masinloc,” ayon kay Elad.

Una nang ipinangako ni Pangulong Marcos na gagawin niya ang lahat ng mga hakbang para tiyakin ang proteksiyon para sa mga Pilipino kasunod ng direktiba ng China.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter