HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Education na agad tugunan ang nakababahalang pagdami ng mga insidente ng pananaksak kung saan sangkot ang mga menor de edad na mag-aaral.
Kasunod ito ng tatlong magkakahiwalay na kaso ng pananaksak na naiulat ngayong buwan lamang.
Isa sa mga insidente ay naganap sa labas ng Rizal High School sa Pasig City kung saan dalawang mag-aaral, isang Grade 7 at isang Grade 10, ang nasaksak sa isang away sa paaralan.
Mungkahi niya, mainam na makipagtulungan ang DepEd sa mga awtoridad at sa mga local government unit upang mapalakas ang mga interbensyon na tutugon sa ugat ng mga karahasan.
Importante rin na palakasin ang mga programa laban sa bullying, mental health, at paggabay at pagpapayo sa mga paaralan.