Pang. Marcos, nakipagpulong sa Philippine Chamber of Food Manufacturers

Pang. Marcos, nakipagpulong sa Philippine Chamber of Food Manufacturers

NAKIPAGTALAKAYAN si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga miyembro ng Philippine Chamber of Food Manufacturers, Inc. upang masolusyunan ang kakulangan ng asukal sa bansa.

Ayon kay Pangulong Marcos, hangad niya ang maayos na takbo ng mga negosyo.

Kasama rin ang magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mamamayan lalo na sa industriya ng fast-moving consumer goods.

Kaya naman ani PBBM, kanyang sinusuri ang pagtatakda ng malinaw na sistema na may kinalaman sa pagtaas ng suplay ng asukal.

Samantala, nanumpa nitong Agosto 12 si G. Domingo F. Panganiban bilang Undersecretary ng Kagawaran ng Agrikultura.

Saysay ng Punong Ehekutibo, isang karangalan ang makatrabaho ang mga dalubhasa sa pagtugon sa mga pangangailangan ng bansa lalo na sa sektor ng agrikultura.

Si Panganiban ay nagsilbi bilang Agriculture secretary sa termino nina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo.

Sa website ng Department of Agriculture, nakasaad dito na ipinagpatuloy ni Panganiban ang implementasyon ng Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) bilang comprehensive framework at platform for rural development ng pamahalaan sa kanyang panunungkulan noong Enero 2001.

Samantala sa ikalawang termino ni Panganiban, na-develop ang kabuuang 203,000 ektarya ng idle lands at nakalikha ng higit 300,000 (313,000) na mga trabaho.

Matatandaang, pinulong din ni Pangulong Marcos ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at napag-usapan ang patungkol sa kapakanan ng mga magsasaka at local production.

Follow SMNI News on Twitter