SA nalalapit na pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) at attached agencies nito, sinabi ni Sen. Win Gatchalian na bubusisiin niya ang nakatakdang rollout ng mga bagong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) package para sa mga sakit na may kaugnayan sa mental health.
Binalikan ni Gatchalian ang isang pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography kung saan iniulat ng PhilHealth na nakatakda na sanang ilunsad noong Hulyo ng taon ang isang mental health outpatient package.
Pero ikinababahala ng senador na hanggang ngayon ay hindi pa nailulunsad ang naturang package sa kabila ng “pandemya ng mental health” na kinakaharap ng bansa.
Sa kasalukuyan, nag-aalok ang PhilHealth ng P7,800 case rate sa mga naka-confine na pasyenteng dumaranas ng mga kondisyon tulad ng dementia, bipolar disorders, schizophrenia, at anxiety disorders.
Dismayado rin ang senador na dahil sa mahal ng mental health services sa bansa, maraming mga Pilipino ang hindi ito kayang bayaran.
Aniya, maaaring umabot ng hanggang P43,800 ang mga packages para sa mental health conditions batay sa isang simpleng search sa internet.
“Sisingilin ko ang PhilHealth sa mental health package dahil nangako sila. Noong una natuwa kami dahil may acknowledgement sila na may problema tayo sa mental health at mababa ang ating package, pero wala namang aksyon na nangyari. Sisingilin talaga namin sila dahil nga kung titignan natin ‘yung datos, mahigit 4,000 ang nagpakamatay sa isang taon at 400 ang nagpakamatay mula sa mga paaralan natin kaya talagang may problema tayo pagdating sa mental health,” ayon kay Sen. Win Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Naaalarma rin ang senador sa dumaraming bilang ng mga Pilipinong nagpapakamatay at tumatawag sa National Center for Mental Health (NCMH).
Noong 2019, nakatanggap ang NCMH ng 3,129 na tawag, kung saan 325 o 10% porsiyento ang may kinalaman sa pagpapakamatay.
Sa taong iyon, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 2,810 na bilang ng mga nagpakamatay.
Noong 2020, taong sumiklab ang pandemya, umakyat ng 11,017 o halos apat na beses ang mga tawag na natatanggap ng NCMH, habang umakyat naman sa 1,382 o 15% ang mga tawag na may kinalaman sa pagpapakamatay.
Noong taon ding iyon, umabot sa 4,892 o halos dumoble ang bilang ng mga nagpakamatay.
Nananatili namang mataas ang bilang ng mga tawag sa NCMH at ang bilang ng mga nagpapakamatay para sa taong 2022.
Sa 18,011 na mga tawag na natanggap ng NCMH noong taong iyon, 6,853 ang may kinalaman sa pagpapakamatay.
Sa taon ding iyon, 3,103 ang naitala ng PSA na nagpakamatay.
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang pinsalang dulot ng mga mental health isyu sa mga mag-aaral.
Para sa School Year 2021-2022, 404 na mga mag-aaral ang naitalang nagpakamatay.
Inaprubahan naman kamakailan ng Senado ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na iniakda at isinulong ni Gatchalian.
Layunin ng panukalang batas na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program upang isulong at tiyakin na maayos ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral.