TANGING ang pangalang Duterte lamang ang kayang makatakip sa mga anomalya sa 2025 national budget.
Ito ay ayon kay dating Executive Secretary at ngayo’y senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez.
Batay sa nakalap na ulat ng kanyang team, nasa 65% ng pondo para sa taong ito ang nai-release na ng Department of Budget and Management (DBM) kahit Enero pa lamang.
Sa pananaw ng abogado, minamadali ang pagpapalabas ng pondo upang maiwasan ang posibleng pagkakapigil nito ng Korte Suprema, sakaling pagbigyan ang kanilang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng ipinasang pambansang pondo ng Malacañang at ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Dahil sa naturang anomalya, sinabi rin ni Atty. Rodriguez na ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay bahagi lamang ng estratehiya upang mailihis ang atensyon ng publiko sa mga ginagawa ng Kongreso.
Matatandaang inihain nina Rodriguez, Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab, at iba pang petitioners ang kanilang petisyon matapos nilang matukoy ang P241B insertions sa 2025 national budget.
Hiningi na rin umano nila ang orihinal na kopya ng 2025 General Appropriations Bill at ang enrolled o final bill, ngunit hindi pa ito naipapakita hanggang ngayon.
Ang kanilang petisyon ay laban kina House Speaker Martin Romualdez, Senate President Chiz Escudero, at Executive Secretary Lucas Bersamin.