Pangangampanya sa Lal-Lo, Cagayan para sa BSKE, ipinapanawagang maging payapa

Pangangampanya sa Lal-Lo, Cagayan para sa BSKE, ipinapanawagang maging payapa

SA eksklusibong panayam ng SMNI News NCL kay Mayor Florante Pascual ng Lal-Lo, Cagayan, ibinahagi nito na pinagsabihan niya ang lahat ng mga kandidato sa kanilang lugar na tumatakbo ngayong Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE)na hindi dapat mag away-away sa pangangampanya.

Ayon kay Lal-Lo Mayor Florante Pascual, walang kuwenta ang pagtatalo at pang-aapi sa bawat isa para lamang managumpay sa pinaglalabang posisyon.

‘‘Kasi sinasabi ko sa kanila maski magpatayan sila, hindi naman ‘yon ang magdedesisyon kung sino ang mananalo. Ang tao ang magdedesisyon kung sino ang mananalo,’’ ayon kay Mayor Florante Pascual, Lal-Lo, Cagayan.

Dagdag pa nito, kausapin na lang ng mga kandidato ang isa’t isa at pag-usapan ang patungkol sa kung ano ang maitutulong ng mga ito para sa kanilang bayan.

‘‘’Wag nilang isasakripisyo ang relasyon ng bawat isa lalo na sila ay magkakarabarangay, magkakapitbahay, magkakamag-anak din. ‘Yun ay pang habangbuhay. Itong eleksyon isang araw lang,’’ ayon pa kay Mayor Pascual.

Sa ngayon ay tahimik at payapa ang kanilang munisipalidad mula sa mga insidente ng vote buying at wala pa namang napabalita ukol dito.

Tapos na rin aniya mangampanya ang ilang mga kandidato at hinihintay na lamang ang pinal na desisyon ng kanilang mga mamamayan sa tunay na mananalo sa eleksiyon.

Samantala, wala na ring napapabalitang armadong grupo na nananakot sa kanilang kapayapaan dahil matagal na aniya itong wala sa kanilang lugar.

Bukod dito ay ipinagmamalaki nito na lahat ng kanilang bayan ay cleared na mula sa droga at talagang matiwasay na ang pamumuhay.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter