Pangatlong Pilipino na nasawi sa Israel, kinumpirma ng DFA

Pangatlong Pilipino na nasawi sa Israel, kinumpirma ng DFA

KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 3rd Filipino fatality sa Israel kasunod ng marahas na pag-atake ng Hamas.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, Oktubre 13, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na ang ikatlong nasawing Pilipino ay isang 49-anyos na babae na tubong Negros Occidental at nanilbihan bilang isang caregiver.

Ang nasabing Pinoy ay napatay sa may area ng Kibbutz sa kasagsagan ng dinaluhang isang music festival kung saan maraming tao ang kasama niyang napatay doon.

‘‘She died in the area of Kibbutz. There was a music festival there and there were a lot of people who were killed attending that music festival which was usually held during the Sukkot which is an Israeli holiday. And what we understand she was one of the attendees and a lot of people died there,’’ pahayag ni Usec. Eduardo de Vega, DFA.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaan sa mga pamilya ng pinakahuling Filipino casualty sa Israel.

Dagdag pa ng DFA official, naipaalam na ang nasabing masamang balita sa pamilya ng biktima maging kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Una nang iniulat ng Philippine consulate ang dalawang napatay na Pinoy, isa ay 33-anyos mula sa Pangasinan habang ang isa pa ay 42-anyos na lalaki mula sa Pampanga.

8 OFWs sa Israel, nakatakdang umuwi ng bansa sa Oktubre 16

Sa kabilang banda, hindi bababa sa 8 overseas Filipino worker (OFW) ang nakatakdang umalis sa Israel sa Oktubre 16.

Sinabi ni Usec. De Vega na bahagi ito ng repatriation efforts ng administrasyong Marcos.

22 Filipino ang nagpahayag ng kanilang balak na umuwi kung saan walo sa kanila ang nakatakdang umalis sa Israel sa susunod na linggo.

“There are at least 22 Filipinos in Israel who have indicated that they want to go home. The first batch at the government’s expense will be leaving on October 16– there are eight of them,” ayon kay Usec. De Vega.

Inihayag pa ni De Vega na sasagutin ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang mga gastusin sa paglalakbay.

Tiniyak naman ng gobyerno na ibibigay sa mga ito ang iba pang mga nararapat na tulong.

“Once they arrive, they’ll be given the proper assistance. The usual reintegration and other assistance packages provided by the DMW and the OWWA,” saad ni De Vega.

Nilinaw naman ng Foreign Affairs official na mayroon pa ring mga flight na papasok at palabas ng Israel, ngunit hindi pa advisable para sa mga Pilipino na bumiyahe sa naturang bansa.

Samantala, kung pag-uusapan ang repatriation, ibinahagi ni De Vega na ang sitwasyon sa Israel ay mas ‘’stable’’ kaysa sa Gaza.

Ayon sa DFA, hindi pa sinisimulan ng gobyerno ng Pilipinas ang repatriation efforts para sa mga apektadong Pilipino sa Gaza dahil sa mga isyu sa seguridad.

“The situation in Israel is not a big problem if it refers to the evacuation of nationals because the situation there is more stable and we’re ready to repatriate them and we don’t expect big numbers,” dagdag pa ni De Vega.

Gayunpaman, mahigpit na ring nakikipagtulungan ang Pilipinas sa mga awtoridad ng Israel upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino roon.

Muli namang binigyang-diin ng Philippine government ang mariing pagkondena sa karahasan sa Israel kung saan tinawag ito ni Pangulong Marcos na barbaric o inhuman terrorist attacks.

Follow SMNI NEWS on Twitter