Panghihimasok ng NEA sa pamamahala ng BENECO, kinuwestyon ni Tulfo

Panghihimasok ng NEA sa pamamahala ng BENECO, kinuwestyon ni Tulfo

KINUWESTYON ni Senador Raffy Tulfo ang panghihimasok ng mga opisyal ng National Electrification Administration (NEA) sa pamamahala sa Benguet Electric Cooperative (BENECO).

Ayon kay Tulfo, walang problema ang BENECO dahil mababa ang kanilang singil, maganda ang performance, walang brownouts sa mga lugar na sakop nila at walang depekto sa kanyang pamumuno.

Sinabi ni Tulfo na rerebyuhin niya ang NEA memorandum na ginagamit ng ahensiya para depensahan ang diumano’y maanomalyang pagtatalaga nito kay Maria Paz Rafael bilang general manager (GM) ng BENECO.

Matatandaang inihalal ng board of directors ng BENECO si Melchor Licoben bilang GM matapos na magretiro ang dating nasa posisyon  ngunit itinalaga rin ng NEA, na nangangasiwa sa mga electric cooperatives, si Rafael bilang GM ng kooperatiba.

Nababahala rin ang senador dahil napakadali para sa NEA na tanggalin at palitan ang isang GM na inihalal na ng board of directors ng isang kooperatiba.

Sa halip na makialam sa mga kooperatiba na may magandang performance, tulad ng BENECO, sinabi ni Tulfo na dapat pagtuunan ng pansin ng NEA na tulungan ang mga kooperatibang may kinakaharap na mga problema.

Follow SMNI NEWS in Twitter