MAAARI na muling mangisda sa ilang lugar sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Batay ito sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pulong ng National Task Force (NTF) on Oil Spill Management sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar ng BFAR ay ang Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro na sakop ng Cluster 4.
Gayundin ang Puerto Galera, Baco, at San Teodoro sa Oriental Mindoro na sakop ng Cluster 5.
Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga residente na lutuing maigi ang mga makukuhang sea foods at huwag kakainin ang mga amoy langis.
Samantala, hindi pinapayagan ang pangingisda sa Clusters 1, 2 at 3 kabilang na ang Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria at Bansud sa Oriental Mindoro dahil kontaminado pa rin ang tubig ng tumagas na langis.