COMELEC, tatalima sa status quo ante order ng SC sa DQ case ni Legazpi City Mayor Rosal

COMELEC, tatalima sa status quo ante order ng SC sa DQ case ni Legazpi City Mayor Rosal

MANANATILI pa rin sa puwesto si Legazpi City Mayor Carmen Rosal matapos ang status quo ante order na inilabas ng Korte Suprema.

Na nagpipigil sa Commission on Elections (COMELEC) na ipatupad ang disqualification laban sa Legazpi Mayor.

Matatandaan na kamakailan nang ipinalabas ng komisyon ang pinal na desisyon para sa diskwalipikasyon ni Rosal dahil sa liability nito matapos ang pag impluwensiya at panunuhol sa mga botante dahil sa isinagawang 2-day ‘tricycle drivers cash assistance’ payout sa lungsod noong March 31, 2022.

Sa isang pahayag, sinabi ni COMELEC spokesperson Atty. Rex Laudiangco na natanggap na nila ang kautusan ng Korte Suprema at tatalima aniya dito ang komisyon

“As we have consistently committed, the Commission on Elections, will abide and comply with any order, ruling or directive of the Highest Court of our land,” saad ni Atty. Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.

Ito aniya ang pangunahing dahilan kung bakit si Chairman George Erwin M. Garcia, at ang iba pang mga miyembro ng komisyon, ay mahigpit na sumusunod sa angkop na proseso at mga kaukulang tuntunin at pamamaraan sa pagpapalabas ng Certificate of Finality, Entry of Judgment at Order of Execution sa kasong ito.

Ginagarantiya rin aniya ng COMELEC na ang lahat ng partido sa kaso ay bibigyan ng pagkakataon na makakuha ng lahat ng legal na remedyo sa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.

“We strictly complied with due process and follow pertinent rules and procedures in the series of issuances of the Certificate of Finality, Entry of Judgment, and Order of Execution in this case. We guarantee all parties to the case the opportunity to avail of all legal remedies under our jurisdiction,” dagdag ni Atty. Laudiangco.

Samantala, inaaksiyunan na rin ngayon ng Korte Suprema ang petisyon sa ‘temporary restraining order’ para pigilan ang komisyon sa pagdedeklara na ang nanalong alkalde ng Legazpi City ay ang pumangalawa sa eleksiyon na si Alfredo Garbin.

Inatasan ng Korte Suprema ang COMELEC, sina Rosal, Garbin, Agustin Armogila, at Oscar Robert Cristobal na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 10 na araw makaraang matanggap nila ang notice.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter