PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang iconic na ringing of the bell sa New York Stock Exchange (NYSE).
Karaniwang ginagawa ito bilang hudyat ng pagsisimula o pagtatapos ng trading day sa itinuturing na financial center sa buong mundo, ang NYSE.
Sa pagharap ni Pangulong Marcos sa mga negosyante ay agad nitong inilatag ang mga polisiya na ginawa ng pamahalaan upang mas mapadali ang pagnenegosyo sa Pilipinas ng mga foreign investor.
Sa unti-unting pagbangon ng Pilipinas mula sa COVID-19 pandemic, ay nagsisimula nang bumuti ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, tinatahak na ng Pilipinas na maibalik ang estadong upper-middle-income country.
Naniniwala ang Punong Ehekutibo na hindi ito imposible at makakamit ito ng bansa sa mga susunod na taon.
“We are proud to share that we recently enacted policies to further liberalize our economy and welcome more foreign investment to our shores. First, we passed legislation to lower corporate income tax rates and rationalize fiscal incentives. Second, we reduced the minimum paid-up capital requirements for foreign retailers and foreign startups bringing in advanced new technology. And third, we now allow full foreign ownership of companies providing public services, such as telecommunications, shipping, air carriers, railways, subways, airports, and toll roads,” pahayag ni Pangulong BBM.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Marcos ang patuloy na paglago ng gross domestic product sa bansa na mula 6.5 ay tumaas ito ng 7.5 porsiyento ngayong taon, at target nitong maabot ang 6.5 hanggang 8.0 porsiyento mula 2023 hanggang 2028.
Sinabi rin ng Pangulo ang mga ginawang hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang sitwasyon ng kawalan ng trabaho sa bansa.
Sa katunayan mula nang tumaas ang unemployment rate sa bansa noong Abril 2020 dahil sa pandemya kung saan umabot ng 17.6 porsiyento ay bumaba na ito ngayong taon sa 5.2 porsiyento nitong Hulyo.
Ito na ang pinakamababang unemployment rate na naitala sa bansa para sa July rounds ng labor force survey mula taong 2005.
Ipinunto rin ng Pangulo sa mga mamumuhunan na nananatili ang fiscal discipline ng bansa kung saan ang debt-to GDP ratio nito ay gumanda mula 62.1 porsiyento ng katapusan ng Hunyo kumpara sa 63.5 percent ng nakaraang taon.
Target ng bansa na mapababa ang government debt-to GDP na mas mababa sa 60% pagsapit ng taong 2025 at mas lalo pa itong pababain ng 51.2 porsiyento sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos sa 2028.
Samantala, malaki ang kumpiyansa ni Pangulong Marcos na mapalakas at mapalalim pa lalo ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na sa nakalipas na ilang dekada ay nanatiling maganda ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.
“Over the past few decades, as the Philippines transformed into one of the most promising emerging markets, the United States has been among our steady partners, for that we are truly grateful,” ayon sa Pangulo.
Para kay Pangulong Marcos, hindi binigo ng Estados Unidos ang Pilipinas lalong-lalo na sa panahon ng krisis.
“When we are in crisis, we look to the United States. We look to the relationship that has been forged over the many years and I have to say the reason that we have done that is that for the most part we can say that the United States has not failed us,” ani Marcos.
Samantala, bago tumungo si Pangulong Marcos sa New York Stock Exchange ay nagkaroon muna ito ng pagpupulong sa NuScale Power, WasteFuel at Boeing.