NAGSIMULA nang mag-empake si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang gamit sa Malacañang, apat na buwan bago matapos ang kanyang termino.
Sa kanyang taped weekly “Talk to the People” na inere kagabi, sinabi ng Pangulo na ito ay para makaalis siya ng Malacañang sa Marso at huwag ng umabot pa sa Abril.
Ayon kay Pangulong Duterte, magtutungo lamang siya sa Malacañang para sa araw-araw na trabaho.
Plano rin aniya na bumili ng maliit na condo dahil wala siyang matitirhan sa Metro Manila maliban sa Malacañang.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na hihintayin niya ang araw ng turnover o Presidential inauguration para imbitahan ang bagong pangulo para sa pag-uusap man lang o tea.
Inanunsyo rin ng Presidente na magbibigay siya ng talumpati para pasalamatan ang mga naghalal sa kanya bilang pangulo.