Pangulong Marcos, bibisita sa Abra kapag nakatanggap na ng ‘all-clear’ signal

Pangulong Marcos, bibisita sa Abra kapag nakatanggap na ng ‘all-clear’ signal

IGINIIT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dumistansya muna siya na magpunta ngayong araw sa mga apektadong lugar na niyanig ng malakas na lindol.

Sa isang emergency press briefing, inihayag ni Pangulong Marcos na may plano siyang magtungo sa Abra para inspeksyunin ang sitwasyon doon.

Gayunpaman, sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi muna agad-agad ngayong araw ang kanyang pagtungo sa apektadong lugar.

Ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na ayaw niya munang makagulo sa trabaho ng mga lokal na opisyal gaya ng naging karanasan nila noong nagdaang kalamidad.

“I am staying away from going to the affected areas for a very simple reason. It has been my experience as governor, it has been my experience in Yolanda that when the national officers come to the affected areas immediately ginugulo lang namin ang trabaho ng lokal. Halimbawa, pupunta ako dun hahanap pa ako ng police para mag secure, kailangan ako i-meeting ng mga local officials e marami silang ginagawa,” pahayag ng Pangulo.

Sa ngayon, ani Marcos, patuloy ang pagtanggap ng kanyang opisina ng karagdagang impormasyon kaugnay ng kalagayan sa mga lugar na tinamaan ng lindol.

Gayunpaman, ikinokonsidera pa rin ni Pangulong Marcos ang posibilidad na magtungo sa Abra bukas, araw ng Huwebes.

 “So I said let them do their work, let us wait for them to tell us what the true situation is, and maybe I can schedule a trip perhaps tomorrow as soon as possible,” ani Marcos.

Una nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na tutungo si PBBM sa mga apektadong lugar kapag nabigyan na ito ng all-clear signal at ligtas na para sa Pangulo ang pagbyahe papunta roon.

“Yes, he is. He will inspect the disaster prone disaster areas as soon as he is given the all clear, as long as it is safe for him to travel and to do so,” ayon kay Angeles.

Nitong umaga ng Miyerkules, niyanig ng magnitude 7 na lindol ang Northern Luzon provinces na ramdam na ramdam din sa Metro Manila.

Ibinahagi ni Pangulong Marcos na siya ay nasa kanyang opisina nang nagkalindol.

 “I was in my office. Naririnig ko yung, may chandelier na ‘yun ang guide namin dito sa Palasyo, pag narinig mo ‘yung chandelier na kumakalansing then ibig sabihin may lindol.  But it was very strong, it’s stronger than the usual,” ayon sa Pangulo.