18 na mga kababayan natin mula sa Lebanon ang magpapasko sa Pilipinas ngayong taon.
Sila ay mga naipit sa giyera ngayon sa Gitnang Silangan sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hezbollah.
Ang naturang Pilipinong repatriates ang ika-17 batch na nakauwi sa Pilipinas mula sa Lebanon.
Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 3 ang Lebanon noon pang Oktubre.
Kasabay ng panawagan sa ating mga kababayan na boluntaryong sumalang sa repatriation.
Tiniyak naman ng pamahalaan ang tulong sa mga umuwing Pilipino.
Magmumula ang tulong sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ang napro-provide po namin ay mga cash assistance at food assistance worth P20,000 at hindi naman po doon nahihinto ang pagtulong ng ating ahensiya sa mga repatriates,” ayon kay Allan Sanchez, DSWD.
Isa ang household worker na si Vicky, 51 taong gulang ang kabilang sa mga nakabalik ng bansa.
Walong buwan siyang nagtrabaho sa Lebanon at inabot na giyera doon.
Aniya, mahirap ang buhay sa Lebanon dahil sa digmaan kaya nagpapasalamat sila sa pamahalaan sa tulong na makauwi ng bansa.
Nagpaabot rin sila ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
“Maraming pong salamat sa inyo sa pag-aassist ninyo sa amin ng maayos, magandang pag-aalaga sa amin sa Lebanon. Sa mga taong tumulong sa amin doon para makabalik kami sa ating bansa,” ayon kay Vicky Son, Repatriated OFW mula Lebanon.