INIHAIN na ni Senator Joel Villanueva ang panukalang batas para malabanan ang budol text scams na kasalukuyang nambibiktima sa pamamagitan ng pag-aalok ng pekeng trabaho o mapagkakakitaan.
Ang mga text scammers ay nangangako ng trabaho kapalit ng P500 hanggang P8,000 kada araw na sweldo o bayad.
Sabi pa ng senador, ang chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, madalas naloloko ngayon ng text scams ay ang mga Pilipinong desperado ngayong pandemya.
“Marami po sa ating mga kababayan ang nawalan ng hanapbuhay at trabaho kaya ito pong sitwasyon ang sinasamantala ng mga nagpapadala ng spam messages. Kadalasan ay kakagat na lamang po sa pangako ng mataas na sahod, pero sa huli ay scam pala at ninakawan pa ng personal na impormasyon,” pahayag ni Villanueva.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2460, bibigyan nito ang mga phone subscribers ng karapatang pumili kung gusto nilang makatanggap o hindi ng mga promotional messages mula sa mga kompanya.
Sa pamamagitan nito ay mapipigilan ang pagdating ng walang humpay na mga di kanais-nais na mensahe, kasama na ang mga budol scams.
Sa ilalim ng panukala, spam message ang isang mensahe kapag isa ito sa mga sumusunod:
- Hindi hiningi ng makakatanggap ang SMS o tawag na may commercial o promotion
- Nag-iinstall ng app o programa sa telepono o computer nang walang paalam sa may-ari
- Naglalaman ng mali o hindi totoong mensahe
- Iligal na kumukuha ng personal na impormasyon mula sa nakatanggap ng mensahe
Ayon kay Villanueva, mapaparusahan ang sinumang lalabag sa panukalang ito kapag naging batas na, lalo na yung mga tao o kompanyang patuloy na magpapadala ng text o e-mail kahit na “nag-opt out” na ang subscriber.
Sa ilalim din ng panukala, aatasan ang National Telecommunications Commission, National Privacy Commission at National Bureau of Investigation na tuloy-tuloy na mag-monitor para sa proteksyon ng mga konsyumer.
BASAHIN: Global crime group, posibleng salarin ng paglaganap ng scam texts –NPC