LUSOT na sa Senado, araw ng Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1964 o ang ‘Kabalikat ng Pagtuturo Act’.
Ito ang panukalang batas na iniakda at ini-sponsor mismo ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. na may layuning unti-unting taasan ang allowance ng public school teachers.
Sa ginanap na session sa Senado, 24 na senador ang bumoto pabor sa nasabing panukala na mas kilala sa tawag na ‘chalk allowance’.
Sa ilalim ng SBN 1964, ang teaching allowance ay unti-unting tataas mula sa kasalukuyang P5,000 na maging P7,500 para sa School Year 2023-2024 at P10,000 para sa School Year 2024-2025.
Bilang pag-iingat sa posibleng pagbabago ng presyo ng teaching supplies, ay nakapaloob din sa naturang panukala ang automatic adjustment tuwing 3 taon upang umakma sa mga gastusin.
Batay sa General Appropriations Act (GAA), ang kasalukuyang alokasyon sa chalk allowance ay P4.8-B.
Ani Revilla kailangan lamang maglaan ng pamahalaan ng karagdagang P2-B kapag ang halaga ay umabot na sa P7,500 at P4.5-B naman kapag umabot na sa P10,000 sa taong 2025.
Sa sponsorship ni Revilla noong nakaraang linggo, ay sinabi nitong naoobliga ang mga teacher maglabas ng sarili nilang pera para makabili ng mga materyales at iba pang supplies na ginagamit nila sa pagtuturo at hindi na sapat ang tinatanggap nilang P5,000 kada taon o P24 kada araw.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ay sinabi ni Revilla na ang kasalukuyang cash allowance ay kabilang na ang P500 alokasyon para sa medical examination, na kung ibabawas pa aniya ang gastos sa teaching materials ay bababa pa sa P22 kada araw.
Ang isang kahon ng chalk ay P68, ream ng bond paper na P120 at internet load na pangunahing kailangan sa pagtuturo lalo noong kasagsagan ng pandemya.
“Salamat po sa ating mga kasamahan dito sa Senado sa buong-buong suporta sa panukalang ito. With the passage of ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’, we are giving our dear teachers an assurance that they will always have the Senate as their ally in advocating, pushing, and fighting for their welfare. Isang hakbang pa lamang ito sa marami pa rin nating mga ipapasang panukala para sa kapakanan ng ating mga guro” paliwanag pa ni Revilla.
Kaugnay rito ay nanawagan din si Revilla sa House of Representatives na ikonsidera ang pagpasa sa naturang panukala upang matulungan ang mga pampublikong guro.
“Naipasa na ng Senado ang panukalang ito sa 17th at 18th Congress, kaya sana naman ay makita ng ating mga kasama sa Lower House ang kahalagahan nito para sa kapakanan ng ating mga guro na siyang humuhubog sa kaalaman ng ating mga anak” pagwawakas ni Revilla.