INIHAIN ni Senator Grace Poe ang panukalang batas para suspendihin ang koleksyon ng mga excise tax kasunod ng mga pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at fuel inflation sa bansa.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Oktubre, tumaas ang fuel inflation ng 32.9% mula sa 21.3% noong Setyembre na isa sa pinakamataas na naiulat ngayong taon.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2445 ni Poe ay sususpendihin ang koleksyon ng excise taxes sa gasolina at diesel kung aabot ang average price ng Dubai crude oil sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Kung maisasagawa ito ayon sa panukala ay bababa agad ng Php10 ang presyo kada litro ng gasolina at Php6 kada litro ng diesel.
“Tiyak na magkakaroon ng epekto ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa halaga ng ilang mga produkto, lalo na sa pagkain na siyang pinakamalaking pinagkakagastusan ng isang pamilya,” pahayag ni Poe.
“Lalo lamang nitong palalalain ang kahirapan at gutom ng ating mga kababayan,” dagdag nito.
Napag-alaman naman mula sa Department of Finance (DOF) na maaaring mawalan ang pamahalaan ng Php131 billion sa suspensyon ng excise tax sa gasolina at diesel.
Mula sa naturang numero, Php24.7 billion ang kumakatawan sa mawawalang kita sa buwis at Php106.7 billion naman sa incremental revenues.
Samantala, ayon sa World Bank ay maaaring maranasan ang oil price hike hanggang sa taong 2022.
Saad ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, ang oil price hike ay dahil sa pagtaas ngayon ng demand habang nananatiling mababa ang inilalabas na suplay ng mga bansang nagpo-produce ng krudo.