PAO chief, muling binigyan ng show cause order ng Supreme Court

PAO chief, muling binigyan ng show cause order ng Supreme Court

DAHIL sa isang kautusan na kamakailan ay inilabas ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta, ay muli itong ginawaran ng show cause order ng Kataas Taasang Hukuman ng Korte Suprema.

Ayon sa korte, ang PAO Office Number 096 series of 2023, ay nag-uutos sa PAO lawyers na magkaroon ng “discretion and disposition” sa pagtalima sa Canon III, Section 22 sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).

Sa kautusan, pinayuhan nito ang state lawyers na i-reconcile ang naturang probisyon sa revised penal code at ang paggawa ng precautionary measures sa paghawak ng mga ‘conflict of interest’ cases para makaiwas sa administrative at criminal liability.

Ang naturang office order ay inilabas ni Acosta para sa pagtalima sa Canon III, Section 22 ng CPRA matapos ang unang show cause order na iginawad sa kaniya ng Korte Suprema noong Hulyo 11 dahil sa mga banat nito sa naturang probisyon.

Sa ilalim ng probisyon, maaari nang maging kinatawan ng magkalabang partido sa isang kaso ang mga PAO lawyer.

Argumento dito ni Acosta, magkakaroon ng conflict of interest kung ipatutupad ang naturang probisyon.

Ayon sa korte, kabastusan ang office order ni Acosta dahil sa paratang na inilalantad o inilalagay ng korte ang mga state lawyer hindi lamang sa administrative at criminal liability kungdi maging sa physical danger.

Anito, ang officer order ng PAO ay patuloy na nagpapakita ng ‘disobedience’ sa naturang probisyon sa lawyer’s code.

“The Court deemed the foregoing instructions in Atty. Acosta’s Office Order as belligerent and disrespectful as she effectively accused the Court of directly exposing the Public Attorneys not only to criminal and administrative liability, but also physical danger. Thus, although it presented itself as a directive to comply with Canon III, Section 22 of the CPRA, the Office Order further instigated disobedience to the said rule,” pahayag ng Supreme Court of the Philippines.

Dahil dito, unanimous ang naging desisyon ng Supreme Court en banc na muling gawaran ng show cause si Acosta para pagpaliwanagin ito kung bakit hindi siya dapat madisiplina sa kaniyang ginawa.

Follow SMNI NEWS on Twitter