KABI-kabilang aktibidad ang nakahanay mula Hunyo 8–12 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-127 Araw ng Kalayaan.
Ayon kay National Historical Commission of the Philippines Historic Sites Development Officer II Eufemio Agbayani III, sa araw ng Linggo, Hunyo 8 ay gaganapin ang ‘Parada ng Pag-anyaya’, tampok ang mga bombero, partikular ang mga volunteer firefighter mula sa Filipino-Chinese community.
Mag-iikot ang mga firetruck sa ilang mahahalagang kalsada sa Metro Manila upang imbitahan ang publiko sa mga nakahandang aktibidad.
Mula alas-7 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon sa Hunyo 10, ilulunsad ang ‘Klinik Kalayaan’ sa Open-Air Auditorium ng Rizal Park sa Maynila, sa pangunguna ng Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Layunin ng aktibidad na ito na maghatid ng libreng serbisyong medikal sa publiko, lalo na sa mga kapos-palad.
Simula Hunyo 10–11, maglalatag ng mga booth ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para ipakilala ang kanilang mga serbisyo at programa sa mamamayan.
“Usually po iyan maraming freebies. So, sa mga kababayan po nating pupunta, magdala po kayo ng malaking tote bag dahil marami po kayong matatanggap na kung ano-ano,” ayon kay Eufemio Agbayani III, Historic Sites Development Officer II, NHCP.
Samantala, sa isang bahagi ng Rizal Park sa Luneta, itatampok ang mga produktong may diskuwento mula sa agricultural products, damit, sapatos, at marami pang iba. Bukas ito mula Hunyo 10–11.
Pagdating ng Hunyo 12, ani Agbayani, isasagawa ang napakabonggang “Parada ng Kalayaan”.
Tampok dito ang military parade na pangungunahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang mga float na nagpapakita ng mahahalagang tagpo sa kasaysayan ng bansa mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao.
Magkakaroon din ng mga festival presentations mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang ipagdiwang ang mayamang kultura at kasaysayan.
“At iyong Parada ng Kalayaan po natin, hindi lang po ito makukulong sa Quirino Grandstand, mayroon pong mga bahagi along Roxas Boulevard na puwede pong manood iyong ating mga kababayan hanggang CCP,” aniya.
Upang maging maayos ang daloy ng trapiko at ligtas ang panonood ng parada, ipapaabot ng National Historical Commission of the Philippines sa kanilang official Facebook page ang mga detalye tungkol sa traffic rerouting at mga puwestong ligtas para sa publiko.
Kasabay ng mga aktibidad sa Luneta, isasagawa rin ang sabayang flag raising at wreath laying ceremonies sa iba’t ibang lungsod at bayan sa buong bansa.
“Sabay-sabay po itong mangyayari ng 7am ng June 12 at may mga seremonya rin pong gaganapin sa Museo ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite, sa Bonifacio National Monument sa Caloocan City, sa Barasoain Church Historical Landmark sa Malolos, sa Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan, sa Pinamuntugan Mansions sa Angeles City, MAUSOLEO de los Veteranos de la Revolución in Manila North Cemetery at sa marami pa pong lugar,” aniya.