HINIMOK ng bagong PNP Chief General Nicolas Torre III ang mga tauhan nito na magparamihan ng aresto laban sa mga kriminal.
Ang nasabing hakbang ay isa lamang sa mga programa ni Torre para masugpo umano ang problema ng kriminalidad at sa usapin ng paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.
Tiniyak ni Torre na walang pulis na mang-aabuso sa hakbang na ito lalo na sa posibleng malabag ang karapatang pantao ng mga indibidwal na huhulihin nila kahit pa itinuro lamang ang mga ito o walang matibay na basehan sa pag-aresto.
Paliwanag kasi ni Torre, basta’t may ebidensiya at maninindigan ang pulis na may krimeng ginawa ang isang tao, ay maaari niya itong hulihin.
Sakaling may magreklamo sa panig ng mga inaresto, hinimok niya ang mga ito na magsampa ng reklamo sa piskalya laban sa mga arresting police officer.
Oras na mapatunayan ang mga paglabag sa batas ng mga umarestong pulis, tiniyak ang pananagutan ng mga ito sa ilalim ng Internal Disciplinary Machinery ng PNP.