PATULOY pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa sanhi ng sunog sa Terminal 3 parking extension sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong araw ng Lunes Abril 22, 2024.
Pero umaasa pa rin ang Manila International Airport Authority (MIAA) na makakakuha pa rin sila ng karagdagang impormasyon sa BFP sa sanhi ng sunog kung saan 19 na sasakyan ang natupok ng apoy.
Dahil diyan, ayon kay MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo, pansamantala na ngayong ipinasara ang parking lot at maaari lamang itong mag-operate ulit kung masusunod ng Philippine Skylanders International (PSI) ang mga kondisyong hinihingi ng MIAA.
Ang PSI ang may-ari ng nasunog na parking extension sa NAIA Terminal-3.
Sa ngayon ay naglagay na muna sila ng fire truck na malapit sa mga parking area ng NAIA upang hindi na muling mangyari ang insidente.
May paalala rin ang MIAA sa mga may-ari ng sasakyan na nagpa-park sa NAIA Terminals lalo na sa panahon ngayong tag-init na iwasan munang mag-iwan ng mga flammable o madaling masunog na mga bagay sa loob ng kani-kanilang mga sasakyan.
Sa 19 na sasakyang nasunog ay pitong indibidwal pa lang ang nagpakilalang may-ari ng ilan sa mga natupok na behikulo.
Kaya naman nananawagan ang MIAA at PSI sa iba pang may-ari na lumantad na’t magpakilala para mapabilis ang isinasagawang imbestigasyon.
Nauna nang ipinangako ng PSI na sasagutin nila ang mga sasakyang nasunog.
Sa kasalukuyan ang PSI ay may lease contract sa MIAA bilang concessionaire ng parking extension area sa NAIA Terminal 3.