MATUMAL pa rin ang partisipasyon ng local government units (LGUs) sa pagbili ng mga lumang suplay na bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Hinihimok ngayon ng NFA ang mga magsasaka na maglaan ng kaunting oras at pagsisikap sa pagpapatuyo ng kanilang mga aning palay.
Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na mainam na samantalahin ng mga magsasaka ang pagpapatuyo ngayong mainit ang panahon.
Bagamat maaaring tumagal ng ilang araw ang pagpapabilad ng palay at makakagastos pa ang magsasaka ng P1 kada kilo, maganda umano ang magiging benepisyo.
“That’s a net additional income of ₱4 per kilo. For example, a farmer harvesting 5 tons per hectare could net an extra ₱20,000,” pahayag ni Larry Lacson, Administrator, National Food Authority.
Ibinahagi ni Lacson na kasalukuyang bumibili ang mga rice miller ng P20 hanggang P22 kada kilo para sa malinis at tuyong palay, habang mas mababa naman sa P5 ang bilihan ng sariwa at basang palay.
Ang pahayag aniya ng NFA ay katawa-tawa, ayon sa dating kalihim ng Department of Agriculture (DA) na ngayo’y Chairman ng Federation of Free Farmers (FFF). Patunay lang aniya ito na bigo ang NFA na bumili ng palay sa mga magsasaka dahil sa punung-puno pa ang mga bodega.
Tila naging kasalanan pa umano ng mga magsasaka kung bakit kakaunti lang ang namimiling traders, na trabaho dapat ng NFA na mamili ng palay sa mga lokal na magsasaka.
“Imbes na harapin ng NFA ang problema na hindi sila bumibili ng sapat na bulto ng palay sa ating farmer, para bang pinapasa pa sa mga farmer ang sisi. Hoy, magpatuyo ka ng palay! Hindi nila sinabi kung saan tutuyuin ‘yun—malamang sa mga kalsada. Para bang pinapasa sa mga farmer ‘yung kakulangan ng NFA sa pamimili ng palay na tuyo,” saad ni Leonardo Montemayor, Chairperson, National Food Authority, Former Secretary, Department of Agriculture.
Umapela ang NFA sa mga lokal na pamahalaan na bilhin na ang mga lumang suplay ng bigas sa mga bodega upang makapamili sila ng palay sa mga magsasaka.
Ngunit bago pa man ideklara ang ‘food security emergency,’ halos 70 LGU na ang nagpahayag ng interes sa pamimili, ngunit kakaunti pa lang ang aktwal na bumili.
Patunay ito, ayon sa grupong FFF, na matumal ang partisipasyon ng mga LGU at posibleng hindi mapunan ang buffer stock requirements ng NFA.
“Kapag ganyan na napakalimitado po ‘yung release ng NFA stocks dahil matumal ang participation ng LGUs, kakaunti lang ang bibilhing palay ng NFA sa ating magsasaka. Ngayon, nasa anihan tayo.”
“Very little po ang maidagdag ng NFA sa kanilang buffer stocks. So, hindi po siguro maabot ‘yung bagong buffer stock requirement nila na 15 days. Kukulangin, kukulangin ang buffer stocks ng NFA,” ayon kay Montemayor,
Paliwanag ng DA, mabagal talaga ang proseso ng mga LGU sa pagbili ng bigas mula sa NFA.
“Any transaction na dapat gawin ni Mayor o ni Governor ay kailangang dumaan at maaprubahan ng Sangguniang Pambayan o Sangguniang Panlalawigan. And of course, this procedure takes time,” ani Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, Department of Agriculture.
Samantala, may karagdagang pondo na P10B ang NFA, kung saan higit P1B ang gagamitin para sa rehabilitasyon ng mga bodega.
Mula sa nasabing pondo, higit P8B naman ang ilalaan para sa paggawa ng mga bagong bodega, dryers, at rice mills.
Umaasa naman ang DA na maaamyendahan ang Rice Tariffication Law upang maibalik sa NFA ang mandato na makatugon sa panahon ng mataas na presyo ng bigas at makapagbenta nang direkta sa merkado.
Follow SMNI News on Rumble