Party issue, ‘di sapat na basehan para ideklarang nuisance candidate si Pastor Quiboloy—COMELEC

Party issue, ‘di sapat na basehan para ideklarang nuisance candidate si Pastor Quiboloy—COMELEC

NASA 221 ang bilang ng petisyon na reresolbahin ng Commission on Elections (COMELEC) pagdating sa mga nuisance candidate.

Kabilang na dito ang 117 mula sa 183 senatorial aspirants na naghain ng kandidatura pero bigong makapasok sa partial at official list ng komisyon.

Sa huling araw ng paghahain ng petisyon laban sa mga nuisance candidate, araw ng Miyerkules, isa ang labor lawyer na si Sonny Matula sa naghain ng petisyon laban sa kandidatura ni Pastor Apollo C. Quiboloy dahil sa umano’y misrepresentation.

Una nang itinanggi ni Matula na awtorisado ang tinanggap na CONA ni Pastor Apollo mula sa Workers and Peasants Party (WPP).

Sa kabilang banda naman, ang isa pang paksiyon sa WPP na Tolentino Wing na pinangungunahan ni Atty. Mark Tolentino, ay pinanindigan na legal ang tinanggap na nominasyon ni Pastor Apollo mula sa partido.

Ipinunto naman ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia na walang magiging problema sa kandidatura ni Pastor Apollo kahit pa mayroon itong “party-issue”.

Isa si Pastor Apollo sa mga idineklarang lehitimo at kwalipikadong kandidato ng COMELEC para sa senatorial race para sa darating na 2025 midterm elections.

Dagdag pa ni Garcia, sakali mang matanggalan ng nominasyon mula sa isang partido ang isang senatorial aspirant ay hindi ito magiging basehan para ideklara siyang nuisance candidate.

Aniya, ang inilabas nilang listahan para sa senatorial race ay pinag-aralan at tinimbang nang maigi ng komisyon.

“Ang katanungan kasi ng sambayanan doon ay porke’t ang isang tao na matatanggal ng kaniyang nominasyon. Considered ba siya ng nuisance? Ang sagot po ay hindi,” saad ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Samantala, nangako ang COMELEC na bago pa man matapos ang buwan ng Nobyembre ay mareresolba na nila ang lahat ng petisyon para sa nuisance candidates.

Pagdating naman ng Disyembre 13 ay may pinal na listahan na para sa lahat ng mga kandidato sa national at local positions ngayong darating na 2025 midterm elections.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble