PERSONAL na hiniling ng transport group na Pasang Masda sa tanggapan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na bigyan ng kaukulang konsiderasyon ang mga maliliit na jeepney na walang kapasidad sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan.
Sa katatapos lang na QC Media Forum, nais ni Ka Obet Martin, Presidente ng Pasang Masda na pagbigyang makabiyahe kahit sa maikling ruta lamang ang mga apektadong jeepney.
Habang pabor naman ang grupo na iprayoridad ang malalaking ruta sa mga sakop ng modernization program.
Sa nasabing mungkahi, naniniwala ang grupo na walang maiiwanan na tsuper sa lansangan na walang kikitain at maiuuwi sa kani-kanilang pamilya.
Sa kabilang banda, nangako ang grupo na hindi ito makikiisa sa nakatakdang tigil-pasada ng grupong PISTON sa darating na katapusan ng Disyembre bilang pagtutol sa usapin ng modernization program.
Matatandaang, mayroon na lamang hanggang Disyembre 30 ang lahat ng jeepney operators para bumuo ang mga ito ng kooperatiba na naayon sa probisyon ng LTFRB bilang tugon sa makabagong transisyon sa sektor ng transportasyon sa bansa.