TINIYAK ng pamunuan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na hindi mauuwi sa drawing lamang ang planong pag-develop sa Pasig River.
Ito ang inihayag ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkules, Agosto 30, 2023.
Ang malawakang urban development undertaking na tinaguriang “Pasig Bigyan Buhay Muli” (PBBM) project ay binuo ng mga miyembrong ahensiya ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD).
Ito ay nilikha sa bisa ng Executive Order 35 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Hulyo 25.
Layon ng nasabing proyekto ang full rehabilitation ng Pasig River.
Kaugnay dito, sinigurado ni Acuzar na sa ilalim ng proyektong ito, mayroong transformation na makikita ang mamamayan sa may Ilog Pasig.
“Ilang administrasyon na rin po ang nangako na tatapusin at pagagandahin iyong Pasig River.”
“Siguraduhin natin na ito naman ay may mangyari na at hindi ito kuwento lang at hindi drawing. So, sinisigurado po ng ating Pangulo at Unang Ginang na itong proyektong ito ay hindi drawing at ito ay maging katotohanan,” pahayag ni Sec. Jose Rizalino Acuzar, DHSUD.
Pagdating naman sa posibleng mga tatamaang nakatirang mga informal settlers sa paligid ng Pasig River, sinabi ni Acuzar na kumpleto ang nakalatag na plano para dito.
Aniya, kasama sa master plan ang pagtatayo ng malaking housing projects, at mayroon ding Central Park sa dulo ng development project.
“At mayroon din pong malaking housing projects po diyan sa North Harbor— may 25 hectares po diyan na nag-uumpisa na rin po na maggawa ng pabahay. Sabay po iyan, hindi pupuwedeng one at a time kasi magkakadugtong nga po sila,” dagdag ni Sec. Acuzar.
Bukod dito, kabilang din sa plano ang pagkakaroon ng mga proyekto para sa estero, mayroon din para sa Pasig River, Laguna de Bay, at may proyekto rin sa Manila Bay.
“Nakadugtong iyan sa Laguna de Bay, nakadugtong iyan sa Manila Bay at nakadugtong din sa mga estero. So kapag prinoyekto mo iyan, kumpletuhin mo; kapag kinumpleto mo, dapat may proyekto ka sa estero, may proyekto ka sa Pasig River, sa Laguna de Bay, may proyekto ka rin sa Manila Bay,” aniya.
Pagdating naman sa badyet ng development project, inilahad ng DHSUD chief na wala pa itong eksaktong halaga dahil tuluy-tuloy pa ang ginagawang pagpaplano sa naturang proyekto.
“Ngayon, gumagalaw po iyong presyo ng budget kasi nga nagpa-planning pa kami. At the same time, mayroon kaming ginagawang showcase ngayon diyan sa may likod ng Post Office. Ang showcase na iyan, tatapusin po namin iyan, baka substantially maipakita natin bago magpasko iyong buong kabuuan na mga 500 meters kung ano ang magiging hitsura ng Pasig River,” ayon pa kay Acuzar.
Ang PBBM project ay isang holistic approach na binubuo ng mga development plan para sa mixed-use commercial areas.
Kabilang dito ang mga tourist spot, at bukas na mga pampublikong parke sa 25-kilometrong kahabaan ng Pasig River mula sa Manila Bay hanggang sa Laguna de Bay.
Samantala, ang informal settler families na nakatira sa tabing ilog ay ipaprayoridad sa ilalim ng flagship ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program.
Sa bisa ng EO 35, nilikha ang Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development kung saan ang DHSUD ang chair at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) naman ang vice chair.
Kabilang sa mga miyembro ng nasabing Inter-Agency Council ang mga kalihim ng DPWH, DENR, DILG, DOT, DOTr, DOF, DBM; ang chairpersons ng National Historical Commission of the Philippines at NCCA, ang general manager ng PPA, commandant ng Philippine Coast Guard, ang general manager ng Laguna Lake Development Authority at ang chief executive officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Ang National Housing Authority ang magsisilbing secretariat.