SA inisyal na listahan ng Commission on Elections (COMELEC) ng mga kandidato sa pagka-senador, pasok si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sa isang media briefing, inisa-isa ni COMELEC Chairman George Garcia ang 66 na nasa sa listahan kung saan nga pasok na ang butihing pastor at opisyal nang mailalagay ang pangalan nito sa balota para sa 2025 midterm elections.
Matatandaan na mahigit 180 ang naghain ng kandidatura para sa pagka-senador.
Ayon kay Garcia, ang natitirang 117 na hindi pasok sa inisyal na listahan sa pagka-senador ay idadaan pa rin sa due process bago sila ideklarang nuisance candidates.
Mga akusasyon vs. Pastor ACQ, “WA EPEK” sa mga botante
Marami naman sa mga kababayan natin, nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Pastor Apollo.
Tiwala sila na malaki ang magagawa ni Pastor Apollo gaya ng nagawa nito sa kaniyang kongregasyon.
Ayon sa kanila, hindi sila naniniwala sa mga akusasyon na ibinabato sa butihing Pastor.
“(But we are open to support him?) Oo naman. May layunin naman siya sa bayan. Hindi naman porke maraming bato sa kaniya, paniniwalaan mo na. May batas naman.. Oo lahat naman. Kahit naman sabihin mo na Katoliko ako. Nagbabasa naman ako. Tinitingnan ko naman ‘yan e. Mahirap kasi maniwala sa salita salita e. Kahit pa maraming binabato sa kaniya. Mahirap pa ring paniwalaan,” ayon kay Ricky, Botante.
“I-prove nilang guilty. Nobody.. Everybody is innocent until proven guilty. I-prove nilang ano.. Kapag na-prove, e ‘di ano, paano kapag hindi na-prove?”
“Kapag hindi mapro-prove na guilty ‘yan, nakow… Maglalandslide ‘yan,” saad ni Atty. Rivera.
“Huwag natin agad husgahan ang tao, hangga’t hindi natin alam ang totoo.”
“(Pero ikaw pwede mong masuportahan si Pastor Quiboloy?) Pwede po. Naniniwala naman po ako na mabuti siyang tao.”
(Bukas ka na suportahan siya?).. Oo naman. (Bakit?) Duterte ‘yan ‘di ba? ‘Yon ang iboboto ko,” saad ni Richard, botante.
Pati sa internet space, bumuhos ang suporta kay Pastor Apollo Quiboloy sa social media.
Mga petisyon na natanggap ng COMELEC para sa mga nuisance candidates agad na reresolbahin ng COMELEC
Samantala, sa huling araw ng pasahan ng petisyon laban sa mga nuisance candidates, ayon sa COMELEC, 80 ang naghain ng petisyon sa local level habang 20 naman sa national positions.
Ang nuisance candidates ay itinuturing na pampagulo lang at wala talagang intensiyon na tumakbo.
“May isa pa nuisance candidate na ang gusto lang ay magpakasikat, gusto lang makita sa TV, maghain ng COC tapos wala na po siyang gagawin. Ang tingin pa namin na mas masama, naghain ng COC, inutusang maghain ng COC ng ilang kandidato. Ang purpose niyan magnakaw ng boto sa paanong paraan? Lilituhin ang ating mga kababayan, katunog, kapareho, halos katulad ng pangalan ng isang lehitimong kandidato,” wika ni Atty. Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.
Ang mga petisyon laban sa mga nuisance candidate ay agad na reresolbahin ng Komisyon.
“Kaso po ito, reresolbahin po ito ng COMELEC. Maari po itong magdepende sa dalawang dibisyon. At kung tatandaan naman po natin may commitment si Chairman Garcia na tatapusin ang ganitong kaso sa division level by October at kung sakaling maghahain pa sila ng Motion for Reconsideration (MR), aakyat sa Comelec EnBanc at tatapusin po ito by November po. And asahan po natin na not later October 29, ilalabas namin sa aming website ang initial list of candidates. Uulitin lang po natin inisyal pa po ito at subject pa ito sa kalalabasan ng mga kaso at iba pang tatanggapin namin proseso,” ani Laudiangco.