Pastor ACQ, walang kinalaman sa kaso vs Vice Ganda—Atty. Tolentino

Pastor ACQ, walang kinalaman sa kaso vs Vice Ganda—Atty. Tolentino

SA programang ‘Pinoy Legal Minds’ nitong weekend, nilinaw ng host nito na si Atty. Mark Tolentino na walang kinalaman si Pastor Apollo C. Quiboloy sa kasong isinampa laban sa TV Host na si Vice Ganda at ang real-life partner nito na si Ion Perez.

Si Tolentino ang abogado ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc.— ang grupong nagsampa ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa dalawa.

“Ah wala, walang kinalaman si Pastor Apollo dito. In fact, walang kinalaman ang SMNI,” pahayag ni Atty. Mark Tolentino, Legal Counsel, Kapisan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc.

Nauna nang idinawit ang pangalan ni Pastor Apollo ng ilang showbiz-oriented programs dahil sa kaugnayan ng mga abogadong pumuna kina Vice Ganda o Jose Marie Viceral at Ion Perez o Benigno Perez sa tunay na buhay.

Una riyan, si Atty. Tolentino na may programa sa SMNI, Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile (JPE) na may programa rin sa himpilan maging si Atty. Salvador Panelo.

“’Yung mga sinasabi ni Secretary JPE personal opinion po niya ‘yan. ‘Yung sinasabi ni Secretary Sal Panelo, personal opinion din niya yan bilang isang journalist and part ng show nila. And ‘yung sa akin naman bilang isang private lawyer,” dagdag ni Atty. Tolentino.

Kamakailan ay sinuspinde rin ng Movie and Television Review Classifications Board (MTRCB) ang noontime show na “It’s Showtime” sa loob ng 12 araw.

Kasunod pa rin ito sa July 25 episode kung saan may pagkamalisya ang ipinakita ng dalawang host sa ‘Isip Bata’ segment nila.

Umani rin ng iba’t ibang batikos ang episode na iyon dahil hindi mabuting halimbawa sa mga kabataan.

“Gumagawa sila ng eksena na obscene, obscenity and indecency. So, what is obscenity, what is indecency? Depende na ‘yan sa court,” ayon pa kay Tolentino.

Sa ilalim ng Article 201 ng revised penal code, pinaparusahan ng batas ang mga makikitaan ng “immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, at indecent shows.”

“The freedom of the press, and freedom of expression, are not absolute. There are limitations regardless of what you do. Yes, we are a democratic and republican country, but freedom of the press has its limitations,” ani Tolentino.

Sa ngayon, wala pang pahayag ang mga akusado.

Mananatili namang bukas ang SMNI sa kanilang panig.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble