Pastor Apollo at iba pang PDP-laban senatoriable, pormal nang ipinakilala sa taumbayan

Pastor Apollo at iba pang PDP-laban senatoriable, pormal nang ipinakilala sa taumbayan

PORMAL nang ipinakilala ng PDP-Laban ang kanilang senatorial line-up nitong Huwebes ng gabi sa San Juan City, na dinaluhan ng mga tagasuporta ng bawat kandidato.

Kabilang sa kanilang hanay ang mga re-electionist na sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at Senator Christopher “Bong” Go, pati na rin ang mga abogado tulad nina Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Raul Lambino, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Vic Rodriguez, at Congressman Rodante Marcoleta.

Kasama rin sa line-up ang beteranong aktor na si Philip Salvador.

At upang kumpletuhin ang Duterte senatorial slate, isinama rin ang spiritual leader ng The Kingdom of Jesus Christ—walang iba kundi si Pastor Apollo C. Quiboloy.

“Si Pastor, at least kung maghanap ka ng tao na kandidato kung manalo at makaupo diyan as a senator who has the moral values pati marunong, bright. Talagang bright iyan si Pastor,” pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte

“Si Pastor Quiboloy para sa Senado,” pagbibigay-diin ng dating Pangulo.

Duterte senatoriables, opisyal nang inendorso ni Vice President sara Duterte

Sa makasaysayang proclamation rally ng PDP Laban, opisyal na inendorso ni Vice President Sara Duterte ang 9 na kandidatong tumatakbo sa ilalim ng partido.

Hinikayat ni VP Sara ang taumbayan na iboto sina Dela Rosa, Go, Salvador, Lambino, Hinlo, Rodriguez, Bondoc, Marcoleta, at si Pastor Quiboloy.

“Iboto po natin sa darating na halalan ang ating mga reelectionist senators na sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at Senator Christopher “Bong” Go. Isama po natin sina Philip Salvador, Atty. Raul Lambino, Atty. Jesus ‘Jayvee’ Hinlo, Atty. Vic Rodriguez, at Atty. Jimmy Bondoc. At syempre po, ang ating matibay na partner sa Kongreso na si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta at si Pastor Apollo Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ (KOJC),” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Pinasalamatan niya ang mga ito na patuloy na tumutugon sa tawag ng serbisyo-publiko sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kaakibat nito.

“Salamat sa inyong pagtanggap sa tawag ng serbisyo-publiko sa kabila ng mga hamong kaakibat nito,” madamdaming pagpapasalamat ng VP.

Ipinahayag din ng pangalawang pangulo ang kaniyang tiwala sa kakayahan ng mga botante na pumili ng tamang mga pinuno.

“Ako ay nagtitiwalang nasa taong bayan ang kapangyarihang baguhin ang kasalukuyang takbo ng ating bayan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong karapat-dapat, tapat, at matiyagang maglilingkod sa bayan,” dagdag na pahayag ni VP.

Dagdag pa niya, patuloy silang mananalangin para sa tagumpay ng kanilang adbokasiya.

“Kasama ninyo kaming nagdarasal para sa tagumpay ng ating adbokasiya, alang-alang sa kapakanan ng ating mga komunidad at kapwa Pilipino,” makahulugang mensahe ng pangalawang pangulo ng Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble