Pastor Apollo C. Quiboloy muling hinimok ang COMELEC na gamitin ang moto proprio powers sa pagbilang muli ng mga boto

Pastor Apollo C. Quiboloy muling hinimok ang COMELEC na gamitin ang moto proprio powers sa pagbilang muli ng mga boto

HINDI matatawaran ang mga ulat ng aberya at problema sa pagboto sa nakaraang halalan. Kabilang dito ang mga hindi binabasang balota, hindi tugmang pangalan ng mga ibinoto, at maging ang pagtagas ng tinta mula sa pang-shade na ginamit sa balota. Ang lahat ng ito ay mga insidente na nagdulot ng matinding pangamba sa kredibilidad ng resulta ng eleksiyon.

Kabilang sa mga nakaranas ng problema ay si Atty. Raul Lambino, isang senatorial candidate, na mismo ay nagkaroon ng aberya sa kanyang pagboto.

“Ako’y talagang biktima nitong hindi maayos na sistemang pinaiiral sa pagboto lalong lalo na itong tinatawag na automated counting machine na ito ay napakadepektibo talaga at sa dinami-daming mga botante, sa dinami-daming mga kandidato ay sa akin pa nataon na ‘yung aking balota ay nung aking isinaksak doon sa ACM ay dalawang beses na ayaw tanggapin,” saad ni Atty. Raul Lambino.

Sa kabila ng paulit-ulit na pagsubok, nang ipasok ito ng mismong Board of Election Inspector, lumabas na blangko ang resibo na patunay ng problema sa sistema.

Dahil dito, muling hinimok ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang COMELEC na gamitin ang moto proprio powers nito para magsagawa ng manual recount of votes.

Naniniwala si Pastor Apollo na ang anumang duda sa resulta ng halalan ay nararapat lamang linawin upang maitaguyod ang integridad ng proseso at maibalik ang tiwala ng mamamayan sa sistemang elektoral.

“Proposal nga natin ay specified places lang maski sampu, o, sampung places. 5 cities, 5 probinsya. ‘Yan…”

“Pero tayo ang pipili, hindi ang COMELEC, tayo ang pipili kay para klaro, may transparency talaga. ‘Yun lang ang hiling ni Pastor, transparency, because we owe it to the people that the commission should be transparent in its processes,” ayon kay Atty. Israelito Torreon, Tagapagsalita ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, tagapagsalita ni Pastor Apollo C. Quiboloy, hindi lamang ito panawagan kundi isang hamon sa Commission on Elections (COMELEC) para patunayan ang kanilang mandato na protektahan ang sagradong boto ng bawat Pilipino.

“This is the only agency empowered by the 1987 Constitution to administer and supervise the election of our Republic of the Philippines and since there is grave doubts insofar as into its integrity is concerned, then they should correct the doubts. They should institute measures on its own so that the doubts of the people will be erased or at least minimized,” giit ni Atty. Torreon.

Binigyang-diin ni Torreon na ang panawagan para sa manual recount ay hindi lang naman para sa kapakanan ng ilang kandidato, kundi para sa mga Pilipinong nagnanais ng malinis at mapagkakatiwalaang eleksiyon.

Aniya, ang anumang pagdududa sa resulta ng botohan ay posibleng makaapekto sa tiwala ng mga tao sa susunod pang halalan sa 2028, at kinakailangang umaksiyon ang COMELEC para maibalik ang kumpiyansa ng publiko.

“That would really have an impact in so far as the credibility of the next election that will be conducted specifically the 2028 Elections and we are hoping and praying to the Commission on Elections will do something about this,” aniya.

Ang boto ng bawat Pilipino ay sagrado. Ito’y simbolo para sa mas maayos na kinabukasan kaya’t anumang pagdududa ng pandaraya o pagkasayang ng kanilang boto ay hindi maaaring ipagkibit-balikat.

Ayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy, ang panawagan para sa manual recount ay isang paninindigan na dapat maging malinaw at tapat ang bawat bilang, para maibalik ang tiwala ng mamamayan sa halalan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble