KASABAY ng ginanap na pagtitipon ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Davao City, pormal nang inanunsiyo ng partido ang kanilang buong suporta sa kandidatura ni Pastor Apollo C. Quiboloy para sa Senado.
Sa isang makasaysayang pagtitipon sa Davao City, pormal nang inendorso ng PDP-Laban si Pastor Apollo bilang bahagi ng Dueterte senatorial line-up para sa darating na halalan.
Si Pastor Apollo na lider ng Kingdom of Jesus Christ ay ipinakilala mismo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kasalukuyang chairperson ng partido, bilang isang mahalagang bahagi ng line-up.
Inaasahan naman na ang pagkakabilang ni Pastor Apollo sa listahan ng mga kandidato ay magbibigay ng mas malakas na suporta sa partido, partikular na sa mga rehiyon ‘di lamang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas.
Ang malaking pagtitipon sa Davao City ay dinaluhan ng mga pangunahing opisyal ng partido, lokal na lider, at iba pang panauhin at taga suporta nito.
Nagbigay rin ng talumpati ang ilang matataas na opisyal ng PDP-Laban upang ipaliwanag ang mga plano ng partido para sa mga susunod na buwan.
Kabilang sa mga dumalong kasama sa senatorial line-up ay sina Sen. Bong Go, Sen. Ronald Dela Rosa, Cong. Rodante Marcoleta, Philip Salvador, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Jimmy Bindoc, Atty. Raul Lambino, at Sen. Robin Padilla.
Nagpaabot naman ng mensahe si Pastor Apollo sa pamamamgitan ni Atty. Israelito Torreon upang ipahayag ang opisyal na pasasalamat mula sa butihing leader para sa PDP-Laban sa ipinakitang tiwala at suporta sa kaniyang kandidatura.
Ipinahayag din ng kaniyang kinatawan na magiging matatag ang paninindigan ni Pastor Quiboloy sa mga pangunahing adbokasiya na kaniyang isusulong sa Senado, kabilang ang:
✅ Zero Corruption – Pagtatatag ng mas mahigpit na polisiya laban sa katiwalian sa gobyerno.
✅ Truth Commission – Paglikha ng isang ahensiya na mag-iimbestiga sa mga isyu ng maling impormasyon at propaganda.
✅ Laban Kontra Komunismo – Pagpapalakas ng seguridad at suporta sa mga ahensiyang lumalaban sa mga rebeldeng grupo.
Bukod sa opisyal na pag-eendorso kay Pastor Apollo, tinalakay rin ng PDP-Laban ang iba pang mahahalagang isyu sa bansa, kabilang na ang pagpapalakas ng ekonomiya, pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan, at ang pagsusulong ng interes ng mga Pilipino sa harap ng kasalukuyang mga hamon.
Sa kaniyang mga nagawa bilang isang lider ng mahabang panahon, inaasahan ng publiko at iba’t ibang sektor ang magiging malaking ambag ni Pastor Apollo sa pagpapaunlad at positibong pagbabago ng bansa, dala ang kaniyang mga nagawa at adbokasiyang isinusulong.