Pastor Apollo C. Quiboloy, walang nakikitang mali sa pagdalo ni PBBM sa party for a cause ni Sen. Angara

Pastor Apollo C. Quiboloy, walang nakikitang mali sa pagdalo ni PBBM sa party for a cause ni Sen. Angara

WALANG nakitang masama si Pastor Apollo C. Quiboloy, sa pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa birthday party ni Senador Sonny Angara.

Ayon kay Pastor Apollo, tao rin ang Pangulo at mga mambabatas naman ang mga kasama nito bukod pa sa isa itong party for a cause.

“Ang Pangulo tao din naman ‘yan e’ kasama niya doon hindi naman mga pabugoy-bugoy doon sa mga kanto e’ mga senador ‘yan e.’ Kaya ang pakikisama niya doon sa mga senador. Kung titingnan natin, makakatulong ‘yan sa mga panukalang gusto niyang gawing mga batas. Kaya maganda ‘yung nakita natin na in a light way nag-aawitan sila, nagfu-fundraising, anong masama doon?” pahayag ni Pastor Apollo.

Matatandaang pinutakte ng mga negatibong komento ang naturang event na dinaluhan ng Pangulo.

“Ako gusto ko, kung minsan nakikita ko talaga ‘yung mga mambabatas natin na ganyan. Basta’t malinis at saka maganda. Birthday naman, 50th birthday ni Sonny Angara. Walang masama doon, masaya nga akong tumitingin. Nagbibiritan sila doon ng awit,” ayon sa butihing Pastor.

Sa kabila nito, noong Lunes ay umakyat na sa P5-M ang nalikom ng naturang party with a cause para sa Philippine General Hospital (PGH) Foundation.

“In a light moment sa kanilang mabibigat na trabaho nagkakaroon sila ng panahon na ganyan nakakapag-fundraising, magandang bunga ‘yung ano, magandang resulta,” ayon pa ni Pastor Apollo.

Samantala, natuwa rin si Pastor Apollo nang makita nito ang video, nanghinayang din ito na hindi nito narinig na tumugtog ng saxophone ang Pangulo.

“Ako ‘nga ‘nung nakita ko ‘yan medyo natuwa ako  kasi ako ganun din, umaawit din. Sayang lang hindi ko napakinggan si Pangulong Bongbong Marcos tumugtog ng Saxophone. Saxophonist pala ‘yan. Kaya ang ganda tingnan,” ani Pastor Apollo.

Una na ring ipinaliwanag ni Angara na tuwing kanyang kaarawan ay nagdo-donate ito sa PGH Foundation kaya sa halip na regalo para sa kanya, hinimok nito ang mga guest na mag-donate na lang para sa foundation.

Follow SMNI News on Twitter