SA tuwing mayroong mga kalamidad sa bansa, isa si Pastor Apollo C. Quiboloy sa numero unong nagpapadala agad ng mga tulong sa mga nasalantang kababayan, gaano man ito kalayo sa kaniya.
Truck-truck ng mga balde-baldeng grocery items, daan-daang galon ng malilinis na tubig, at iba pang mga pangunahing pangangailangan ang sinisiguro ni Pastor Apollo na makarating sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga humanitarian groups.
Sa mensaheng kaniyang ipinadala nitong Huwebes, Oktubre 24, para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine, ani Pastor Apollo, masakit ngayon sa kaniyang kalooban na hindi makapagdala ng tulong dahil sa ipinatong ng gobyerno na freeze order sa assets ng KOJC at iba pang organisasyong konektado sa kaniyang simbahan dahil lamang sa mga akusasyon sa kaniya na hindi pa naman napatutunayan.
“Masakit ang aking kalooban sapagka’t hindi ko kayo matutulungan. Frozen po ang lahat ng assets namin, at ako ay may mga akusasyon sa akin na hindi man napatunayan,” pahayag ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ani Pastor Apollo Quiboloy, hiling niya sana’y nariyan ang kaniyang mga humanitarian group upang makapaghatid ng ayuda dahil ito naman aniya’y mula’t mula pa ay kanilang adbokasiya na upang makatulong sa mga nangangailangan lalo na sa panahon ng kalamidad.
“Sa mga panahong ganito, lalo na’t lubog na lubog na po kayo d’yan sa Bicol, sana’y ang aking grupo ay tutungo d’yan upang magdala ng truck-truck na ayuda—bigas at iba pang mga pangangailangan ninyo—kasi iyan po ang advocacy namin sa humanitarian work: ang pagtulong sa ating mga kababayan mula’t mula pa noon sa mga panahon na ako’y nandidiyan pa sa labas,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Gustuhin man niya aniya ang tumulong ngayon, nagdurugo ang kaniyang puso lalo na’t alam niya na marami ang nangangailangan ngayon ng tulong.
Ayon pa kay Pastor Apollo, dahil siya’y ikinulong ng gobyerno at nakatali na rin ang kamay ng kaniyang mga kasamahan dahil sa nasabing freeze order, humihingi na lang siya ng pasensiya dahil hindi sila ngayon makapagpadala ng tulong tulad noon.
Kaya naman, ang magagawa na lamang anila sa ngayon ay manalangin sa Amang Makapangyarihan na protektahan sila.
“Kaya, gusto ko mang tumulong sa inyo d’yan ngayon, nagdurugo ang aking puso. Alam kong nangangailangan kayo ng maraming tulong; beside sa government na naririyan na, kami po sana ay naririyan din.”
“Pero ako’y nandito sa kulungan—hindi po ako makalabas—at ang akin pong mga kasamahan ay nakatali rin ang kamay sapagka’t wala po silang sapat na resources upang makatulong tulad ng ginagawa namin noon. Pasensya na po kayo ngayon.”
“Ang tanging magagawa lang ng KOJC ngayon, kasama ko, ay manalangin—manalangin sa Amang Makapangyarihan na protektahan kayo,” dagdag ng butihing pastor.
Ani Pastor Apollo, idadalangin niya ang kaligtasan ng lahat mula sa sakunang nangyari ngayon dahil sa bagyo.
“Ako’y mananalangin na maliligtas kayo sa sakunang ito, at marami sa inyo. Idinadalangin ko po kayong lahat dito sa kulungan, na kung saan hindi po ako malayang lumabas upang makapunta man diyan o makatulong.”
“‘Yan lang po, at maraming salamat. Nawa’y iligtas kayo ng Makapangyarihang Ama, ang inyong mga pamilya, at mga anak, sa delubyong ito. Salamat po” ang pahayag ng butihing Pastor Quiboloy.