Pastor Quiboloy: Maasahan at hindi natutukso sa pera na mga opisyal, dapat italaga sa DA

Pastor Quiboloy: Maasahan at hindi natutukso sa pera na mga opisyal, dapat italaga sa DA

NAGBIGAY ng payo sa pamahalaan si Pastor Apollo C Quiboloy sa gitna ng kinakaharap na kontrobersya ngayon sa Department of Agriculture (DA).

Iniisa-isa ni Pastor Apollo ang dapat na katangian ng isang opisyal na italaga ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., sa DA.

“At sino dapat ang ilagay ni PBBM diyan, ‘yung kanyang maasahan na hindi magtratraydor sa kanya, yung hindi siya tuturutuhin sa likod, yung matapat na hindi corrupt na hindi matutukso sa malalaking pera,” pahayag ni Pastor Apollo.

Ito ang nakikitang katangian ni Pastor Apollo na dapat italaga na mga opisyal ni Pangulong Marcos sa sektor ng agrikultura.

Ang komento ni Pastor Apollo ay kasunod sa pagbibitiw sa puwesto ng mga DA official na sangkot sa iligal na pag-aangkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

Sinabi pa ng butihing Pastor, matinding pagkilatis ang kailangan ng Pangulo upang matiyak na ang kanyang mga itinatalagang opisyal ay matapat sa kanilang tungkulin.

Giit ng honorary chairman, malaking pananamantala ang ginawa ng mga sangkot na mga opisyal kung kaya’t dapat lang itong managot sa batas.

“Pagkatapos papanagutin din kasi ito ay malaking pagsasamantala na kapag nasa gobyerno ka at meron kang posisyon at ikaw ay kumita dahil sa posisyon na ‘yan you betrayed public trust. When you betrayed public trust, you should have accountability hindi lang sa pagre-resign ‘yun, kailangan managot ka talaga sa ating mga batas,” ayon sa butihing Pastor.

Para naman sa grupo ng mga magsasaka, dapat hindi i-urong ng Pangulong Marcos ang imbestigasyon sa mga sangkot sa sugar importation.

Sinabi ni Engineer Rosendo So ng Samahan ng Industriya at Agrikultura (SINAG), kailangan tukuyin ng pamahalaan ang hidden agenda ng mga opisyal.

Aniya, isang malaking kamalian ang pagpapahintulot sa Sugar Order Number 4.

“Kailangan ituloy pa rin para malaman natin kung bakit basta-basta silang nag-decide at parang may connivance na nangyayari,” ayon kay So.

Dagdag pa ni So, hindi kawalan ang pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal na sangkot sa pagtatangkang pag-import ng asukal dahil mali naman ang kanilang ginawang projection sa asukal.

“In the first place ‘yung projection nila is mali na binase nila sa PSA record na which is PSA record is history. Ibig sabihin ang binabasa kasi ng PSA is 1 to 2 months ago, ‘yung data siguro nakuha is June pa by July may shipment, may August shipment so kung dapat i-check nila kung ilan ang pumasok na ‘yan and ilan ‘yung naiwan na volume sa distributor and i-check nila dapat ‘yung producers na nagmi-mill,” ayon pa kay So.

Paglilinaw ng agri group, kailangang gumawa muna ng imbentaryo upang matukoy kung sapat pa ba ang suplay ng asukal sa bansa.

Mababatid na ngayong araw ay tinanggap na ng Palasyo ang resignation ni SRA Administrator Engineer Serafica at maging ang kay Atty.  Roland Beltran ng Sugar Regulatory Board.

Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa pamamagitan ng Facebook post.

Kasabay nito, malugod namang tinatanggap ng Senado ang mga lumagda sa illegal Sugar Order No. 4.

“We welcome the resignation of the SRA Administrator and all the other signatories of the illegal Sugar Order # 4.”

Ito ang sinabi ni Senate President Migz Zubiri kasunod ng pagbaba sa puwesto Serafica.

Gayunpaman, sinabi pa ni Zubiri hindi nito maalis ang posibilidad ng pananagutan ng mga opisyal sa paglabag sa umiiral na batas tulad ng graft at corruption.

Gayundin ang Anti-Smuggling Act, aniya magpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa illegal Sugar Order No. 4.

“However that does not clear them from any possible liability resulting from violations of existing laws such as the Graft and Corrupt practices act as well as the Anti-smuggling Act. The investigations will continue,” ayon kay Zubiri.

Nasa tatlo mula sa apat na opisyal ang nagbitiw na sa puwesto na  lumagda ng Sugar Order 4 na nagpapahintulot sa pag-angkat ng libu-libong metrikong toneladang asukal.

Matatandaang, unang nagbitiw sa puwesto si Dept of Agriculture Leocadio Sebastian, Undersecretary for Operation at Chief of Staff ng ahensiya.

Follow SMNI News on Twitter