Pastor Quiboloy, nagpahayag ng taos-pusong pagbati sa kaarawan ni dating Pangulong Duterte

Pastor Quiboloy, nagpahayag ng taos-pusong pagbati sa kaarawan ni dating Pangulong Duterte

ISANG espesyal na pagbati ang ipinapaabot ni Pastor Apollo C. Quiboloy para sa kaniyang matalik na kaibigan, ang dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nagdiriwang ng kaniyang ika-80 kaarawan.

Sa kaniyang recorded message, ipinahayag ni Pastor Quiboloy ang kaniyang taos-pusong pagbati at matinding simpatya sa dating Pangulo, lalo na sa hindi inaasahang pangyayari na pareho silang nasa isang pagsubok sa kasalukuyan.

“Happy Birthday, Mayor! 80 years—living a very fruitful and meaningful life. Tunay nga na pinagpala ng Diyos ang araw na ito. Magkahalo ang aking nararamdaman ngayon, medyo nalulungkot dahil sa iyong kalagayan diyan sa The Hague, sa Netherlands ngunit masaya rin naman dahil makakasama mo ang iyong mahal sa buhay sa araw ng iyong kaarawan,” pagbati ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

 Pastor Quiboloy, inalala ang pagiging mabuting kaibigan at lingkod-bayan ni Duterte

Binalikan din ni Pastor Quiboloy ang kanilang masasayang alaala tuwing kaarawan ni dating Pangulong Duterte, kung saan sila ay nagsasama-sama sa Davao, nagkukwentuhan, at nagbabahagi ng kanilang paboritong pagkain.

Dagdag pa niya, anuman ang kasalukuyang sitwasyon, ang lahat ay may takdang panahon, at sa kabila ng lahat ng hamon, patuloy siyang nagpapasalamat sa Diyos sa buhay na ibinigay sa kanila sa panahong ito.

“Maraming salamat sa pagiging isang tunay na kaibigan, Mayor. Maraming salamat sa iyong pagtanggap sa akin bilang spiritual adviser sa matagal na panahon. Nakita ko kung paano ka nagsilbi sa ating bayan mula pa noong ikaw ay Vice Mayor hanggang naging Mayor, naging Congressman, at itinalaga bilang Pangulo ng ating bansang Pilipinas. Ang estilo ng iyong pamumuno hindi man nagustuhan o sinang-ayunan ng iba ay naghatid ng kapayapaan, kaayusan at kasaganaan sa bawat Pilipino sa loob ng anim na taon,” dagdag ni Pastor Apollo.

Ipinaalala rin ni Pastor Quiboloy ang mga pangunahing nagawa ng dating Pangulo, tulad ng Golden Age of Infrastructure sa ilalim ng Build, Build, Build program, ang pagpapataas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno, at ang matapang na laban kontra ilegal na droga at terorismo.

Pastor Quiboloy kay Duterte: Isa kang ‘Buhay na Bayani’ ng mga Pilipino Binigyang-diin niya ang hindi matatawarang dedikasyon ni Pangulong Duterte sa paglaban sa korapsiyon at sa mga oligarko, pati na rin ang kaniyang pagsusumikap na maibalik ang dangal at pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kanilang sarili bilang isang malayang bansa.

“Kaya ikaw ay isang ‘Buhay na Bayani’ para sa akin o ‘Living Hero’ at mahal ka ng bawat Pilipino, Mayor. Hindi na maiaalis sa puso at isipan ng bawat Pilipino ang iyong tapang at malasakit. Ikaw ang Tatay Digong na minamahal ng lahat,” giit ni Pastor Apollo.

Pastor Quiboloy kay Duterte: Iisa lang ang ating misyon para kapakanan ng bawat Pilipino

Ayon pa sa Butihing Pastor, magkaiba man ang kanilang larangan, iisa lang ang kanilang misyon para sa bayan.

At kung ganito man ang naging kinahinatnan natin dahil sa ating mga prinsipyo, isang malaking karangalan ito para sa ating bayan. Sa paglipas ng mga taon, magkaiba man ang linya ng ating propesyon, ako bilang alagad ng Diyos, at ikaw Mayor bilang isang lingkod bayan, ang layunin natin ay iisa. Maisakatuparan ang buhay na maginhawa, maunlad at matatag para sa bawat Pilipino,” ayon pa sa Butihing Pastor.

Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, nagpaabot si Pastor Apollo ng panalangin para sa kalusugan, kaligtasan, at pagpapala para kay dating Pangulong Duterte at sa kaniyang buong pamilya.

“Kaya sa iyong kaarawan, Mayor, ang ating dating Pangulong Duterte, ang dalangin ko ay bigyan ka ng malakas at malusog na pangangatawan, proteksyon at seguridad na saan ka man ngayon at nawa’y maging inspirasyon ang iyong karanasan na marami pa ang tumindig para sa katotohanan at katwiran. Dalangin ko rin ang proteksyon at pagpapala ng Diyos para sa iyong mga anak. Si Vice President Sara Duterte, si Congressman Paolo Duterte, si Davao City Mayor Sebastian Duterte, si Kitty, maging si Maam Beth at Maam Honeylet. Hanggang sa pagkikita nating muli, Mayor. Happy 80th birthday sa iyo, Mayor,” pagtatapos ni Pastor Apollo.

Pastor Quiboloy sa mga Pilipino: Patuloy nating ipaglaban ang ating bayan

Pinasalamatan din niya ang lahat ng Pilipino na nakiisa sa selebrasyon ng kaarawan ng dating Pangulo at hinimok ang lahat ng mga Pilipino na ipagpatuloy ang laban para sa Pilipinas.

“Gaya ng ating Pangulong Duterte, ang Tatay Digong, si Mayor at matalik kong kaibigan, huwag nating hayaan na patahimikin ang ating boses. Patuloy nating ipaglaban ang ating bayan. Ako po si Pastor Apollo C. Quiboloy, maraming salamat po at pagpapala ng ating Dakilang Diyos ay mapa sa atin lahat,” ani Pastor Apollo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble