SA pagsisimula ng pagiging epektibo ng National Symbols Act at ang mga alituntunin nito sa araw ng Martes, ibababa ang mga patakaran sa paggamit ng pambansang bandila at magkakaroon ng mas matibay na proteksiyon laban sa maling paggamit ng mga pambansang simbolo.
Ito’y ayon sa pahayag ng Ministry of Culture, Community and Youth (MCCY) nitong Lunes.
Upang hikayatin ang paggamit ng bandila at upang ipakita ang pagmamalaki sa bansa, hindi na kakailanganin ng mga Singaporean at negosyo na humingi ng pahintulot mula sa MCCY sa dalawang sitwasyon, basta ito’y ginagamit nang may paggalang.
Kabilang dito ang: Una, paggamit ng pambansang bandila o ang imahe nito para sa komersiyal o dekorasyon tuwing panahon ng Araw ng Watawat mula Hulyo 1 hanggang Setyembre 30, at Ikalawa, paglalagay ng pambansang bandila o ang imahe nito sa kasuotan para sa hindi komersiyal na layunin sa buong taon.
Isa pang mahalagang pagbabago ay ang pagpayag ng MCCY na maipakita ang pambansang bandila kahit na hindi ipinagdiriwang ang national day period.
Maaari din ito gamitin nang walang flagpole at ilaw sa gabi.
Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, inaasahang mas marami pang mamamayan ang mapapalapit at makikilahok sa pagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa pambansang simbolo ng Singapore.
Bukod sa mga patakaran sa paggamit ng pambansang bandila, nagbibigay ang batas ng isang estruktura upang itaguyod ang angkop na paggamit ng iba pang pambansang simbolo.