BUMISITA si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Palasyo ng Malacañang nitong gabi ng Miyerkules, Agosto 2.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil.
Aniya, natalakay ni FPRRD kay Pangulong Marcos ang patungkol sa pakikipagpulong niya kay Chinese President Xi Jinping sa China kamakailan.
Napag-usapan din nina Pangulong Marcos at former President Duterte ang iba pang mga isyu.
Nagbigay rin ang dating Pangulo ng ilang magagandang payo kay Pangulong Marcos.
Naroon din sa Malacañang sina Senator Bong Go na former Special Assistant to the President (SAP) ni FPRRD; SAP Secretary Anton Lagdameo; dating Executive Secretary Salvador Medialdea, ES Atty. Lucas Bersamin; former Justice Secretary at ngayo’y Solicitor General Menardo Guevarra, at Defense Secretary Gibo Teodoro.
Mga senador, nagsama-sama sa isang get-together dinner kasama si Pangulong Marcos
Samantala, sa official Facebook account ni Sen. Go, makikitang nagsama-sama sa isang get-together dinner ang mga senador sa bahay ng Pangulo kasama sina President Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ito ay matapos saksihan ni Sen. Go ang pagkikita nina dating Pangulong Duterte at Pangulong Marcos.
Saad pa sa naturang post ni Go, nagpasalamat ang mga senador sa pangunguna ni Senate President Senator Migz Zubiri, sa pagkakataon na makabisita at makakuwentuhan habang naghahapunan kasama ang Pangulo at First Lady.
Kasabay ng pagtitipon, ipinagdiriwang din sa gabing iyon ang kaarawan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva.