PBBM, binigyang direktiba ang PNP na paigtingin ang communications capability, interoperability

PBBM, binigyang direktiba ang PNP na paigtingin ang communications capability, interoperability

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) na maging mas estratehiko sa pagbili nito ng mga kagamitan sa komunikasyon upang higit na mapabuti ang interoperability nito, lalo na sa emergency at crisis situations.

Sa unang PNP Command Conference na ginanap sa Quezon City nitong Huwebes, Pebrero 15, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang magtatag ng magandang sistema ng komunikasyon sa loob ng PNP.

Lalung-lalo na aniya pagdating sa mga disaster response.

Mahalagang malaman agad ang ‘situation on the ground’ kung saan, ani Pangulong Marcos, dapat agad na makapag-report ang mga pulis na nakatalaga sa isang lugar para mabilis ding matugunan.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na mag-secure ng plano para pagbutihin ang kapasidad ng komunikasyon nito.

Ang kautusan ay nag-ugat sa concern ng Punong Ehekutibo tungkol sa naiulat na mababang kapasidad ng kagamitan ng pambansang pulisya.

Sa huling datos ng PNP nitong Pebrero 14, malayo pa ito sa target na mapunan ang hindi bababa sa kalahati ng requirement nito para sa communications equipment.

Nagtala ito ng 32.05 percent fill-up para sa digital radio, 33.98 percent para sa tactical radio at 2.48 percent para sa satellite phones.

Ang procurement ng mga kagamitang ito ay nakaprograma sa ilalim ng PNP Capability Enhancement Program (CEP).

Hindi pa nakukumpleto ng PNP ang pagbili nito ng 18 units ng conventional repeaters na nagkakahalaga ng P54-M at 80 units ng satellite phone na nagkakahalaga ng P6.5-M sa ilalim ng CEP 2023.

Para naman sa CEP 2024, pinaplano ng PNP na bumili ng 2,039 units body worn cameras, isang unit ng digital trunked radio system, karagdagang 18 units ng conventional repeaters, at 420 units ng VHF low band handheld radio, na nagkakahalaga ng P585-M.

Ayon sa PNP, naantala ang procurement sa ilalim ng CEP 2024 dahil sa mga isyu sa Terms of Reference.

Gayunman, tiniyak ng PNP na ito ay tinutugunan.

Samantala, iniutos din ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng PNP na pag-aralan ang paggamit ng iba pang kagamitan sa komunikasyon na maaaring angkop sa mga lokal na sitwasyon, sabay binanggit ng Punong Ehekutibo na ang teknolohiya sa kasalukuyan ay nagiging mas mura at mas mahusay.

Ipinaalala naman ng Pangulo sa mga opisyal na tiyakin na ang lahat ng kagamitan para sa komunikasyon at dapat ay na-standardize upang matiyak ang interoperability sa buong bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble