PBBM: Expansion ng Victoria Int’l Container Terminal sa Australia, umpisa pa lang ng 2-way investments

PBBM: Expansion ng Victoria Int’l Container Terminal sa Australia, umpisa pa lang ng 2-way investments

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglunsad ng pagpapalawak ng Victoria International Container Terminal (VICT) sa Melbourne, Australia.

Ang VICT ay isang subsidiary ng International Container Terminal Services Incorporated (ICTSI) na nakabase sa Maynila.

Ginanap ang pagpapasinaya sa sideline ng paglahok ng Pangulo sa 50th ASEAN-Australia Special Summit.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pandaigdigang tagumpay ng International Container Terminal Services Incorporated sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga operasyon nito.

Aniya, ito ay naging isang maningning na halimbawa ng kadalubhasaan ng Filipino na nag-aambag sa maayos na daloy ng kalakalan at komersyo sa mundo.

“Since ICTSI came to Australia in 2014 to establish the Victoria International Container Terminal (VICT), we are now seeing and are delighted to do so, to watch the application of cutting-edge technology and automation in improving efficiency and productivity,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa katunayan, sinabi ni Pangulong Marcos na kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas na ang paggamit ng mga modernong kagamitan sa Victoria International Container Terminal ay magbibigay ng mas ligtas na working environment.

Sa pamamagitan din nito, mapabubuti ang kalusugan at pamumuhay ng mga manggagawa nito.

Ang VICT ay ang unang entry point ng International Container Terminal Services Incorporated sa Australia, na nagsimula ng operasyon nito noong 2017 at lumaki pa sa isang major player sa Melbourne.

Ang ICTSI ay isa na ngayon sa pinakamalaking independiyenteng terminal operator na may 33 terminal sa 19 na bansa sa anim na kontinente.

Binigyang-diin din ng Pangulo na ang kompanya ay sumusuporta rin sa mga Filipino seafarer na bumubuo ng malaking proporsyon ng mga marino na dumadaan sa mga pasilidad nito.

Si Pangulong Marcos ay kasalukuyang nasa Melbourne, na lumalahok sa 2024 ASEAN-Australia Special Summit.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble