PBBM hinimok ang Philippine Army na tutukan ang cybersecurity ng bansa

PBBM hinimok ang Philippine Army na tutukan ang cybersecurity ng bansa

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Philippine Army (PA) na bigyan ng espesyal na atensiyon ang pagpapalakas ng kanilang mga kakayahan sa cybersecurity.

Mensahe ito ni PBBM na binasa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa ginanap na 127th Founding Anniversary ng Philippine Army sa Capas, Tarlac nitong Biyernes, Marso 22.

Ang nasabing event ay dinaluhan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner; Philippine Army Lieutenant General Roy Galido; Executive Secretary Lucas Bersamin; Philippine National Police General Benjie Acorda; Philippine Coast Guard Admiral Ronnie Gil Gavan, at iba pang mga opisyal.

Hinimok din ni Marcos ang mga miyembro ng Army na tumutok din sa paggamit ng mga bagong teknolohiya sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa iba pang pangunahing serbisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng foreign defense counterparts ng bansa.

Ayon naman kay Army Chief Lt. Gen. Roy Galido, nais ng Pangulo na laging maging handa ang militar at maging mas epektibo sa misyon nitong ipagtanggol ang soberaniya ng bansa.

Ito aniya ang dahilan kung bakit patuloy na pinalalakas ng administrasyon ang moral, kahusayan at pagtugon ng Army.

Aniya, tuluy-tuloy ang mga inisyatiba ng gobyerno sa capacity-building, mahigpit na pagsasanay, at mga aktibidad sa edukasyon sa hanay ng Army.

Ang mga nabanggit pang mensahe ni Marcos ay inihatid ni Sec. Teodoro sa gitna ng nasabing event.

Kabilang ang anibersaryo ng PA sa nakahanay na event na dadaluhan sana ni PBBM ngunit hindi natuloy dahil nakaranas ito ng flu-like symptoms.

Sa huling ulat ng Presidential Communications Office (PCO) nitong hapon ng Huwebes, bagama’t nakararanas pa rin sila ng flu-like symptoms, ay bumubuti na umano ang kondisyon nina Pangulong Marcos Jr. at FL Liza.

Inilahad pa ng PCO na nagpapatuloy ang medikasyon at pagpapahinga ng First Couple para sa kanilang full recovery.

 

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble