PBBM, ipinag-utos ang pagtugon sa political violence at mga kaso ng illegal drug trade

PBBM, ipinag-utos ang pagtugon sa political violence at mga kaso ng illegal drug trade

DUMALO si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa unang Joint National Peace & Order Council – Regional Peace and Order Council (NPOC-RPOC) meeting na ginanap sa Palasyo ng Malakanyang nitong Martes, Abril 18.

Sa nasabing meeting, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga miyembro ng dalawang konseho na bigyang-pansin ang political violence gayundin ang mga kaso ng illegal drug trade.

Ito ani Pangulong Marcos, ang dalawang pangunahing balakid sa pagkamit ng kapayaan at kaayusan sa bansa.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na napapanahon ang naturang joint meeting habang kinakaharap ng kaniyang administrasyon ang dumaraming violent activities, partikular pagkatapos ng halalan noong nakaraang taon.

Dapat din aniyang tumutok ang Peace and Order Councils sa pagtugon sa paglaganap ng mga illegal o loose firearms na nagtutulak ng karahasan sa bansa.

Kasabay nito, nagbabala rin si Pangulong Marcos tungkol sa pagtaas ng warlordism.

Ang isa pang napakatinding problemang kinakaharap ng bansa ngayon pagdating sa kapayapaan at kaayusan ay ang karahasan na ginagawa ng mga sindikato ng droga na may kinalaman ang ilang miyembro ng police force.

Ang 1st Joint NPOC at RPOC Clusters’ Meeting, na pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ay naglalayong magbigay ng mga update sa mga isyu sa kapayapaan at kaayusan at tumulong sa mga desisyon sa patakaran at agarang aksyon mula sa mga kinauukulang ahensya.

Kabilang sa accomplishments noong 2016-2022 ang matagumpay na pagsasagawa ng surveillance at intelligence operations ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), anti-insurgency at anti-terrorism efforts, anti-illegal drugs campaign, at epektibong pagtugon sa COVID-19.

Sa pamamagitan ng pagsusumikap laban sa insurhensya at anti-terorismo, kasama ang muling nabuhay na National Task Force on Ending Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), binuwag ng gobyerno ang 67 guerilla fronts, na-neutralize ang 8,645 communist terrorist groups (CTG), at pinadali ang pagsuko sa 28,713 miyembro ng rebeldeng grupo.

Sa paglaban naman sa iligal na droga, iniulat ng pamahalaan ang kabuoang 261,642 anti-illegal drug operations na isinagawa mula 2016 hanggang 2022, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 376,582 drug personalities at pagkakasamsam ng 12 toneladang marijuana, 14 tonelada ng shabu, 190,324 piraso ng ecstasy, at 500 kilo ng cocaine.

Kaugnay ng pangkalahatang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan, iniulat ng gobyerno na ang kabuoang dami ng krimen noong 2022 ay bumaba ng 11.87 porsiyento, mula 235,059 noong 2021 hanggang 207,143.

Nasa 82.28 porsiyento naman ang crime solution habang 96.72 porsiyento ang crime clearance efficiency sa pagtatapos ng 2022.