MARIING kinokondena ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagpatay sa broadcaster na si Juan Jumalon, o mas kilala bilang si “Johnny Walker” sa Calamba, Misamis Occidental nitong Linggo ng umaga.
Sa inilabas na statement ng Presidential Communications Office (PCO), walang lugar sa isang demokratikong bansa ang ganitong walang kabihasnang pag-atake sa mamamahayag.
Kaugnay rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang mahuli at mapanagot ang sinumang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaan sa pamilya at mga kaanak ni Johnny Walker.
Kasabay rito, tiniyak ng Pangulo na masusing tututukan ng gobyerno ang takbo ng pagsisiyasat sa naturang crime incident upang mabigyan ng hustisya ang pagkapaslang sa nabanggit na mamamahayag.
Samantala, nanawagan din ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa PNP para sa agarang pag-activate ng Special Investigation Task Group (SITG) matapos pagbabarilin ang isang radio news anchor sa loob ng kaniyang radio booth.
Nanawagan si PTFOMS executive director Usec. Paul Gutierrez sa Negros Occidental Police Office na agad na buuin ang kanilang SITG upang imbestigahan ang insidenteng ito at hulihin ang suspek at iba pang posibleng sangkot sa krimen.
Inalerto rin ni Gutierrez ang National Bureau of Investigation (NBI), na bahagi rin ng PTFOMS na simulan na rin ang pangangalap ng ebidensiya bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon para mapabilis ang pagresolba nito.
Sa isang video clip ng insidente na naging viral, makikita si Jumalon na dalawang beses na binaril ng suspek na hinablot din ang kaniyang kuwintas bago tumakas sa pinangyarihan ng krimen.
Si Jumalon na 57-anyos, ay isang broadcaster/station manager ng 94.7 Calamba Gold FM sa Misamis Occidental.
Mababatid na idineklarang dead on arrival (DOA) si Jumalon sa Calamba District Hospital.