KINOKONSULTA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang legal experts at mga mambabatas kung ano ang tamang gawin hinggil sa usapin ng Cha-Cha.
Patuloy na nakikipag-ugnayan si PBBM sa mga eksperto para sa pinakamainam na paraan ukol sa pagpapatupad ng pag-amyenda ng Saligang Batas partikular sa economic provisions.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isang panayam sa sideline ng kanyang state visit sa Vietnam.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kinokonsulta na niya ang mga legal expert at mga mambabatas patungkol sa nararapat gawin sa usapin ng Cha-Cha.
“That’s why we are asking the former Justices, si Chief Luke (Executive Secretary Lucas Bersamin), our legal counsel and our soon to be centenarian na legal counsel na si Mang [JFPE] at ‘yung mga constitutionalist ay tinatanong natin. Ano sa palagay ninyo ang pinakatamang gawin?” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Aminado si Pangulong Marcos na ang isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon ay napupunta sa ibang usapan at nagagamit sa pulitika sa pamamagitan ng People’s Initiative (PI).
Kung mababatid, may banggaan ngayon sa dalawang kapulungan ng Kongreso kaugnay dito.
At para maresolba ang bangayan ng Kamara at Senado hinggil sa People’s Initiative, sinabi ng punong ehekutibo na patuloy siya sa pakikipag-usap sa dalawang kapulungan upang makahanap ng mas simpleng paraan na hindi magdudulot ng labis na kontrobersiya.
Ani PBBM, kabilang sa mga pinagtatalunan ng mga kongresista at mga senador ay kung boboto bilang isang kongreso o hiwalay na botohan.
“Now there’s advice that we are getting: the best analysis and interpretation that we have is that the legislature is of a bicameral nature and therefore that implies that they will vote separately. So, how that will be done now is what we are trying to figure out, how will it be done so that both Houses’ role in this bicameral system is preserved and that is what we are working on right now,” ani PBBM.
Inihayag naman ni Pangulong Marcos na hindi niya pa alam kung ano ang mangyayari sa itinutulak na People’s Initiative.
Duda ang Pangulo na nananatiling opsyon pa rin ang People’s Initiative bilang paraan para amyendahan ang Saligang batas.