PBBM, magpapatayo 21.71 km coastal road sa Batangas

PBBM, magpapatayo 21.71 km coastal road sa Batangas

MAGPAPATAYO ng 21.71 kilometro coastal road sa Batangas si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. 

Isang dambuhalang proyekto ang iginawad ni Pangulong Marcos para sa mga residente ng Batangas 2nd District.

Biyernes, April 28, isinagawa ang groundbeaking ceremony para sa Mabini-Bauan-San Luis-Taal-Lemery Road.

May habang 21.71 kilometers ang proyekto.

Gagawin itong 4 lanes na sementadong kalsada, may bike lane at 8 tulay na kasama.

Dadaan ang tulay sa coastal lane ng Mabini, Bauan, diretsong San Luis, tagos ng Taal hanggang Lemery.

“The total needed allocation for this is P5.9 billion? That is for the entire stretch of 21.71 kilometers,” ayon kay Rep. Gerville ‘Jinky Bitrics’ Luistro, 2nd District Batangas.

Hanggang 2028 ang planong pagtatayo ng proyekto lalo na’t marami itong aayusin sa right of way claims, pero tiwala ang lokal na pamahalaan na aayon ang lahat ng residente dito para sa tiyak na economic development ng 2nd district.

“We are lucky na nagkaroon po siya ng P105 million initial allocation. But just like what everybody heard kanina from Secretary Manny, ito po’y tuloy-tuloy na ang allocation, tuloy-tuloy na ang pagawain,”  dagdag ni Rep. Gerville Luistro.

Sa parte ng national government, sinabi ni Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Manny Bonoan na magpapatuloy ang mga proyektong nasimulan ng Duterte administration lalo na sa Mindanao.

“Ang backbone of the highway network mula Cagayan hanggang Davao po. Yung dati-dating Maharlika Highway isasagawa po ng… para tuloy-tuloy po ang biyahe rito.”

“Itong 2023 program namin, umaabot po ng 17,000 projects ang isasagawa po namin at maraming salamat po sa Kongreso at binigyan kami ng malaking budget para isakatuparan itong programa ng ating President,” ayon kay Sec. Manny Bonoan, DPWH.

Kapag nabuo na ang Mabini-Bauan-San Luis-Taal-Lemery Road, mas madali na ang access ng mga taga-Metro Manila sa Batangas para magbakasyon.

Malaking tulong sa improvement ng turismo.

Dahil inaayos ng Pangulo ang road connectivity ng bawat lugar na kailangan nito.

“Definitely, salamat po sa ating Pangulong Marcos at tayo po’y nagagalak na maging bahagi ng Pangulong Marcos administration. We honestly believe the ‘Build Better More’ na programa po ng ating Pangulo at ako po ay naniniwala na infrastructure program na ito, these are the gateway to progress,” ani Luistro.

Nitong Pebrero, aabot sa P500 million na pondo ang ni-release ng DPWH para bayaran ang right of way claims sa infrastructure projects ng administrasyon.

Lahat ng ito, para matuloy ang big ticket projects ng pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter