PBBM,  makikipagpulong ngayong araw sa pangulo at prime minister ng Singapore

PBBM, makikipagpulong ngayong araw sa pangulo at prime minister ng Singapore

MAGSISIMULA nang maaga ang schedule ng Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. (PBBM) na nakatakdang makipagkita sa mga matataas na lider ng Singapore ngayong araw.

Nasa Singapore ang Pangulong Marcos matapos maimbitahan ni Singaporean President Halimah Yacob.

Ngayong umaga isasagawa ang Orchid Naming Ceremony na gaganapin bandang 7:45 ng umaga sa Singapore Botanic Garden National Parks.

Ipapangalan kay Pangulong Marcos at ng First Lady ang isang hybrid na orchid at tatawaging Dendrobium Ferdinand Louise Marcos bilang pagbibigay karangalan sa pagbisita nila sa bansang Singapore.

Susundan naman ito ng breakfast na inorganisa ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong na gaganapin sa Shangri-La Hotel.

Saka tutungo si Pangulong Marcos sa Istana kung saan magkakaroon ng pagpupulong kasama si Singaporean President Halimah.

Sa Istana o ang Presidential Palace ng bansang Singapore ay gaganapin ang magkakasunod na bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Marcos at ng pangulo at prime minister ng Singapore.

Inaasahan na magkakaroon ng paglalagda ng ilang memorandum of understanding na sasaksihan nina Pangulong Marcos at Prime Minister Lee Hsien Loong.

Isang lunch banquet ang hinanda naman ni Singaporean President Halimah bago ang pormal na pagtatapos ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Presidential Palace.

Sa hapon naman ang nakatakdang pagpupulong ng Pangulong Marcos at ng Singapore business community upang hikayatin ang mga ito na mag-invest sa Pilipinas.

Inaasahang tatapusin ni Pangulong Marcos ang state visit nito sa Singapore ngayong hapon at nakatakdang umalis ng Singapore pabalik ng Maynila bandang 5:30 ng hapon.

Follow SMNI News on Twitter