PINAALALAHANAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mahigit 100 Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na naging police officers na laging alalahanin ang kanilang sinumpaang tungkulin, na paglingkuran at protektahan ang mamamayang Pilipino.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos na inilahad ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., sinabi ng Pangulo sa 102 bagong miyembro ng police force na hindi lamang para sa Philippine National Police (PNP) ang kanilang pangakong katapatan, ngunit para din sa publiko.
Ibinahagi ni Abalos ang talumpati at mensahe ni Pangulong Marcos sa oath-taking ceremony at turnover ng patrolman/woman recruitment program sa Parang, Maguindanao del Norte noong nakaraang linggo.
Itinuturing ng Pangulo ang naturang kaganapan bilang isang “history in the making.”
Ang oath-taking and turnover ceremony ay minarkahan ang unang PNP event kung saan ang mga dating miyembro ng MILF at MNLF ay nanumpa na maging miyembro ng puwersa ng pulisya ng bansa.
Ang okasyon ay tanda rin ng matagumpay na pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law, o Republic Act No. 11054.
Ipinaabot naman ng Punong Ehekutibo ang kaniyang pagbati sa kapwa mga bagong miyembro ng PNP at sa kanilang mga magulang at pamilya sa paninindigan sa hamon mula sa 1,134 na aplikante ng MILF at MNLF at sa pagtatapos ng kurso.