NAKASAMA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang New Year’s Call sa Malacañang nitong Miyerkules, Enero 17 2024.
Kabilang dito sina AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr., PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., Philippine Army (PA) Commanding General Lieutenant General Roy Galido, Philippine Air Force (PAF) Commanding General Lieutenant General Stephen Parreño, Philippine Navy (PN) Flag Officer-in-Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr., Presidential Adviser on Police and Military Affairs Secretary Roman Felix, at iba pang opisyal.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakatuon ang pamahalaan sa pagtiyak ng kapakanan ng uniformed personnel at kanilang mga pamilya.
Ito’y sa gitna ng tumaas na badyet ng Department of National Defense (DND) para sa 2024.
Ani Pangulong Marcos, ang naturang pangako ng gobyerno ay kasabay ng suporta nito para sa Revised AFP Modernization Program at sa Pension and Gratuity Fund, na nagtitiyak ng financial stability para sa military at civilian personnel.
Sambit pa ng Punong Ehekutibo, pinaprayoridad ng pamahalaan ang pang-araw-araw na buhay ng mga ito.
Ibinida naman ng Pangulo ang pag-apruba nito sa isang partikular na badyet para sa mga subsidiya sa bigas at Tertiary Health Care sa AFP Medical Center para sa isinusulong na serbisyong-medikal at pangkalahatang suporta sa kalusugan.